Isa na naman umanong kilabot na tulak ang nasawi makaraan umanong pumalag at manlaban sa buy-bust operation sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang nasawing suspek na si Ian Sierva y Delos Santos, 29, ng No. 001 Saint Mary Street, Barangay Payatas, Quezon City.
Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, dakong 6:00 ng umaga nang mangyari ang engkuwentro sa Saint Mary St., Bgy. Payatas ng nasabing lungsod.
Ikinasa ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng QCPD PS6 ang operasyon sa nasabing lugar kung saan nakipagtransaksiyon ang poseur buyer sa suspek.
Makalipas ang ilang sandali ay nakahalata umano ang suspek na parak ang kanyang kaharap na agad kinasahan ng baril dahilan upang kumilos ang mga back-up na awtoridad at pinagbabaril si Sierva.
Nakuha sa suspek ang .45 kalibre na baril, mga plastic sachet na naglalaman ng shabu, at P500 drug money. (Jun Fabon)