MAHUSAY umarte at maganda ang ugali kaya mabilis ang pagsikat ng dating PBB 2014 housemate na si Joshua Garcia.
Katunayan, sa loob pa lamang ng Bahay ni Kuya, marami na ang nakakapansin sa potential ni Joshua as an actor.
Malaking bonus pa na nabiyayaan din siya ng good looks.
Kahit baguhan pa lang sa showbiz, napasama na siya sa dalawang teleserye at dalawa ring movies kabilang ang blockbuster hit na Barcelona: A Love Untold nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Hindi nga lang maganda na may mga nagsasabing siya raw ang papalit sa trono ni John Lloyd Cruz, dahil tiyak na hindi ito magugustuhan ng fans ng huli. Pero dahil inosente pa nga sa kalakaran at intrigahan sa showbiz, masaya si Joshua na ikinakabit ang pangalan niya kay John Lloyd.
“Nakakatuwa po na nakakataba ng puso na sinasabi nila na next John Lloyd Cruz ako. Actually, kinikilig talaga ako kasi idol ko po talaga si John Lloyd. ‘Yun ‘yung kahit one-fourth ng narating ni Kuya John Lloyd, gusto kong marating,” pahayag ni Joshua nang humarap sa presscon ng Vince and Kath and James, ang entry ng Star Cinema sa Metro Manila Film Festival 2016.
May mga nang-iintriga nang sinasadya raw niyang gayahin ang boses ni John Lloyd.
“’Di, malaki lang po talaga ‘yung boses ko po,” sabi ng binatilyo.
Of course, hindi lang mga manonood, reporters at critics ang nakakapansin sa kahusayan ni Joshua sa pagganap kundi maging si Direk Olivia Lamasan, ang humawak kay John Lloyd sa mga pelikulang The Mistress at In My Life.
Si Direk Olive lamasan ay naging direktor din ni Joshua sa Barcelona.
Aminado ang lady director na personal request niyang makatrabaho ang newcomer na si Joshua.
“When I saw him in PBB, sabi ko, ‘itong batang ‘to, parang meron ‘to,” sabi ng isa sa pinakamahuhusay na filmmaker ngayon.
Realizing that her gut feel was true, the director has advised Joshua, “Alam mo, anak, mag-focus ka lang because you have it.”
Muling masusubukan ang galing ni Joshua sa pelikulang Vince and Kath and James na ipapalabas na simula sa December 25. Pero bilang patikim, si Joshua Garcia at ang kakaibang pagganap niya ang umagaw ng pansin sa screening committee.
(Ador Saluta)
