Mula sa third place finish sa nakaraang Hell of Marianas sa bulubunduking ruta sa Saipan, nakopo ni Seven Eleven Sava RBP skipper Mark John Lexer Galedo ang gintong medalya nitong Sabado sa Tour of Guam.
Nag- iisang sumabak sa 105 kilometrong karera na nagsimula at nagtapos sa harap ng Guam Museum sa Hagatna Village, si Galedo ang tinanghal na kampeon sa competitive long course ng karera makaraang magtala ng tiyempong 2:55:00.
Nanguna ang dating Le Tour de Filipinas champion sa hanay ng 150 kalahok na kinabibilangan ng mga pinakamahuhusay na siklista sa nasabing bansa, ilang mga siklistang Asyano at mga siklistang miyembro ng US military.
Si Galedo ang ikalawang Filipino rider na nagkampeon sa nasabing prestihiyosong karera kasunod ni Jazy Garcia, anak ni dating tour champion Jesus Garcia nang ilunsad ang karera noong 2010.
Sa tulong ni Garcia na kasalukuyang nasa Guam upang magbakasyon at ng ilang mga Filipino cycling enthusiasts na dito nakabase, nagawang tapusin at maipanalo ni Galedo ang karera.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga Filipinong andito na sumuporta sa akin lalo na kay Mr.Jazy Garcia para ako manalo,” pahayag ni Galedo sa kanyang social media account. (Marivic Awitan)