TALUGTOG, Nueva Ecija – Nahaharap sa parricide ang 44-anyos na security-bodyguard ni Vice Mayor Benjamin Gamit, Jr. makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang 36-anyos niyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa hinalang may karelasyon itong iba sa Barangay Roxas sa bayang ito, Biyernes ng madaling-araw.
Kinilala ng Talugtog Police ang biktimang si Gina Mayo, 36, tubong Pandan, Aklan, na napatay ng asawang si Gaudencio Mayo y Gamit, kapwa taga-Bgy. Roxas.
Ayon kay Senior Insp. Ronnie Caagbay, hepe ng Talugtog Police, dakong 12:30 ng umaga nangyari ang krimen, habang bandang 1:10 ng umaga naman nakarating ang report sa kanyang tanggapan matapos sumuko ang suspek.
Batay sa salaysay ng suspek, kinumpronta niya ang misis at pilit itong pinaaamin na mayroon itong lover na mariin namang itinanggi ng ginang, hanggang sa mauwi sa paulit-ulit na pagbaril ng suspek sa kanyang misis gamit ang .45 caliber pistol. (Light A. Nolasco)