SA lahat ng bansa sa Europe, Germany ang tumanggap ng pinakamaraming refugees mula sa mga bansa sa Middle East at North Africa na apektado ng kaguluhan. Milyun-milyon ang lumikas mula sa Syria, na limang taon nang dinudurog ng digmaang sibil. Maraming iba pa ang nagmula naman sa hilagang Iraq, kung saan patuloy na naglalaban ang mga puwersang jihadist ng Islamic State at ang mga Iraqi katuwang ang mga kaalyado nitong Kurdish, sa paligid ng siyudad ng Mosul.

Nahaharap ngayon ang Germany sa mga suliraning may kaugnayan sa pagtanggap nito sa halos isang milyong asylum seekers, na may mga gawaing kultural at relihiyoso na taliwas sa bansang kumupkop sa kanila. Naniniwala si German Chancellor Angela Merkel, ngayon ay nangangampanya para sa reelection, na mahalagang mapawi ang pangamba ng kanyang mga kababayan sa pagbibigay ng katiyakang hindi kailanman mapapalitan ng Shariah Law ng mga Muslim ang sistema ng hustisya ng Germany saan man sa mundo. Sinuportahan niya ang pagbabawal sa belong tumatakip sa buong mukha, na bahagi ng tradisyon ng ilang babaeng Muslim. Idinagdag niyang higit na magiging maingat ngayon ang Germany sa pagtanggap sa mga immigrant.

Ilang bansa naman sa Europa ang matagal nang tumanggi sa mga refugee mula sa Gitnang Silangan. Naging matamlay din ang pagtanggap sa kanila ng United States, hindi gaya sa Germany. At sa pagkakahalal kay Donald Trump bilang presidente, posibleng tuluyan nang isara ang pintuan sa kanila. Kabilang sa mga ipinangako ni Trump noong nangangampanya ay ang pagbabawal sa Amerika ng lahat ng Muslim immigrant, partikular ang nagmula sa tinagurian niyang “terrorist states”, gaya ng Syria, Iran, at Pilipinas.

Ang pagbanggit ni Trump sa Pilipinas ay batay sa mga ulat, na kalat na sa ibang bansa, tungkol sa pagdukot at pamumugot ng Abu Sayyaf sa mga dayuhang bihag nito sa Mindanao. Nauna rito, nagkaroon din ng mga bakbakan sa pagitan ng sandatahan ng Pilipinas at ng dalawang pangunahing armadong grupong Muslim — ang Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Hangad ng mga Muslim separatist na ibalik ang bansa sa sitwasyon nito noong bago pa man sakupin ng mga Espanyol ang Pilipinas noong 1565. Dalawang daang taon bago dumating sa Pilipinas ang mga Espanyol, nasa bansa na ang mga misyonerong Muslim at ipinakalat ang pananampalatayang Islam sa Mindanao. Pagkatapos ng mga Espanyol, ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang dayuhang pananakop sa bansa, na natuldukan lamang nang kinilala ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946.

Taong 1977 nang ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree 1083, ang Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, na nagtatatag sa isang sistemang legal ng mga Muslim sa mga komunidad ng Pilipinong Muslim.

Ngayon, mayroong Shariah district at mga circuit court, karamihan ay sa Autonomous Region of Muslim Mindanao. Umiiral din ang batas ng Islam sa lahat ng kasong sibil sa kinasasangkutan ng lahat ng Muslim sa bansa sa pamamagitan ng mga korteng sibil sa ilalim ng sesyon mula sa limang Shariah district court.

Maraming bansa ang ginigiyagis ng kaparehong pangamba at suliranin. Tinatanggihan ngayon ng Germany ang sistema ng hustisya ng Shariah na ipinapanukala para sa halos isang milyong Muslim refugees nito. Naharap at inaksiyunan ng Pilipinas, na karamihan ngayon ng mamamayan ay Kristiyano, ang kaparehong usapin noong 1977, nang itinatag ni Pangulong Marcos ang mga Shariah court para sa mga Muslim sa bansa.