MAKALIPAS ang isang dekada na inalis na sa ating bansa ang death penalty o parusang kamatayan, pilit itong ibinabalik ngayon ng mga sirkero at payaso sa Kongreso.
Ang katwiran at isa sa pangunahin nilang dahilan ay ang kaliwa’t kanang karumal-dumal na krimen, talamak na droga, panggagahasa, pagdukot na kapag hindi nagbigay ng ransom sa mga kidnaper ay pupugutan ang kaawa-awang biktima. Inilalagay ang pugot sa isang plastic bag at iiwan sa kalsada. Ang katawan naman nito ay itinatapon sa isang madamong lugar.
Noong 2006, nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (Congresswoman ngayon ng Pampanga) ang isang batas na ang parusang kamatayan ay pinalitan ng life imprisonment o habambuhay na pagkakakulong.
Noong ipinatutupad pa sa ating bansa ang parusang kamatayan, sa pamamagitan ng silya elektrika sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa, tuwing Biyernes ng 3:00 ng hapon ay may binibitay. Bago bitayin ang nahatulan ng parusang kamatayan, pinagkukumpisal sa paring chaplain ng NBP at ipinagluluto ng masasarap na pagkain. Maipagpapaliban ang pagbitay kapag binigyan ng Pangulo ng bansa ng palugit na isang buwan ang bilanggong bibitayin. At isa sa hindi malilimot ay ang sunud-sunod na pagbitay sa apat na kabataan na anak-mayaman na nanggahasa umano sa artistang si Magie de la Riva. Marami ang natuwa sa ginawang pagbitay.
Sa bahagi ng pahayag ni Speaker Pantaleon Alvarez, ang bill o panukalang batas sa re-imposition ng death penalty ay isa sa prayoridad ng Mababang Kapulungan. Maaaring maipasa ang panukalang-batas bago ang Christmas break ng Kongreso.
Sinimulan naman ng House justice committe ang delibirasyon o pagtalakay. Kapag napagtibay ng justice committee, dadalhin na sa plenaryo para pagdebatehan ang panukalang-batas sa parusang kamatayan.
Sa Senado, ang mga senador na kabilang sa Liberal Party (LP) ay tutol sa re-imposition o pagbabalik ng parusang kamatayan. Maninindigan sila kapag tinatalakay na sa Senado ang death penalty bill. Ayon kay Senate President Pro Tempore Franklin Drilon, apat na LP senator ang kontra sa pagbabalik ng parusang kamatayan. Bukod kay Sen. Drilon, tutol din dito sina LP President Francis Pangilinan, Leila de Lima, at Bam Aquino. Isa sa kanilang mga dahilan ay ang pagbitay sa mga inosente sa krimen dahil sa kapalpakan ng justice system sa bansa. Nanawagan naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga Katoliko na magsama-sama sa pagdarasal at ipahayag ang kanilang pagtutol sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan. Sa isang circular, sinabi ni Archbishop Villegas na kung ang death penalty bill ay isinusulong upang mapagtibay bago mag-Pasko, isa itong trahedya sa banal na panahon ng pagsilang ni Kristo. Ang death penalty ay parang isang umuungol na leon na naghahanap ng kanyang sasakmalin. (Clemen Bautista)