CAMP BADO DANGWA, Benguet – Target ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera na malinis sa ilegal na droga ang buong Abra sa susunod na dalawang linggo, kasunod ng matagumpay na validation ng mga awtoridad sa Abra, Apayao at Kalinga, kamakailan.
Ayon kay Chief Supt. Elmo Sarona, director ng PRO-Cordillera, tiniyak ng mga provincial director at ng mga hepe ng pulisya sa mga munisipalidad na kaya nilang malinis ang lahat ng barangay sa Abra laban sa droga bago pumasok ang taong 2017, batay sa validation ng barangay drug clearing.
Sa isinagawang validation, idineklara ng PRO-Cordillera at regional Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na “drug free” na ang 362 barangay sa rehiyon.
Sinabi ni Senior Supt. Angelito Casimiro, deputy regional director for operations, na kabilang sa mga drug-free na bayan sa rehiyon ang Besao at Barlig sa Mountain Province; Tubo sa Abra; at Hungduan sa Ifugao. (Rizaldy Comanda)