ZAMBOANGA CITY – Tatlong tauhan ng Philippine Army ang napatay at 17 iba pa ang nasugatan, dalawa sa mga ito ang kritikal, makaraan nilang makaengkuwentro ang nasa 150 armadong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa kagubatan ng Patikul sa Sulu nitong Sabado.

Iniulat kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na ilang bandido rin ang napatay at nasugatan sa sagupaan na tumagal ng 90 minuto at nagsimula pasado 9:00 ng umaga sa Bud Taming sa Barangay Kabbontakkas sa Patikul.

Sinabi ni AFP-WestMinCom Spokesman Major Filemon Tan, Jr. na kaagad na nailayo sa lugar ng bakbakan ang mga sugatang sundalo at dalawang malubhang nasugatan ang kaagad na nai-airlift patungong Zamboanga City para isugod sa Camp Navarro General Hospital.

Labinlimang sugatang sundalo naman ang dinala sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista (KHTB) Hospital para sa gamutan, ayon kay Tan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, ang grupo ng mga bandido ay pinangunahan ng Abu Sayyaf leader na si Radullan Sahiron, kasama ang mga sub-leader na sina Hatib Hajan Sawadjaan, Yasser Igasan, at Mujer Yadah.

Nakatutok pa rin ang Joint Task Force Sulu sa pagdurog sa ASG at sa pagliligtas sa mga natitirang bihag ng grupo.

(NONOY E. LACSON)