Tinawag ni Senator Leila de Lima na isang “insulto” sa mga nagtataguyod ng karapatang pantao ang ginawang “independent probe” ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagsabing walang malawakang paglabag sa karapatang-pantao sa bansa.
Sinabi ng senadora na batid ng lahat na kabi-kabila ang patayan sa bansa at ang pag-iimbestiga ng DILG sa mga tauhang sangkot dito ay napakalaking insulto sa human rights advocates.
“No one can deny these daily killings, and the criminals are getting bolder and bolder each day. To say there is no massive human rights violations is like telling us we do not have a traffic problem in the country. Like the traffic problem, our people are outraged at these continued killings done in the name of government’s all-out war against drugs,” sabi ni De Lima.
Kaugnay ng paggunita sa International Human Rights Day kahapon, nanawagan si De Lima sa publiko na maging mapagmatyag at bantayan ang kalayaang ating tinatamasa sa ngayon.
Sinabi naman ni Senator Francis Pangilinan na naranasan na ng bansa ang lupit na dulot ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kaya mahalagang paigtingin ang malasakit sa kapwa at ipagtanggol ang karapatan ng bawat isa laban sa diskriminasyon at karahasan.
Sa pakikiisa sa okasyon, iginiit naman ng Malacañang na hindi kinukunsinti ng gobyerno ang mga paglabag sa karapatang pantao at mariing tinututulan ang anumang extrajudicial killings.
“We are one with all the Filipino people and all those celebrating worldwide with the Human Rights Day and we condone ‘yung mga human rights violations and we are against any extrajudicial killings,” sabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag. (LEONEL ABASOLA at BETH CAMIA)