Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang mga election officer na tiyaking nasusunod ang itinakdang registration hours para sa 2017 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Election and Barangay Affairs Department (EBAD) Director Teopisto Elnas Jr., kinakailangang sundin ang 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon na registration hours upang maraming botante ang makapagparehistro.
Ipinag-utos din ang malawakang information dissemination upang mahikayat ang mga kuwalipikadong registrants na magparehistro nang maaga.
“In exceptional situations wherein there is a large volume of applicants, the Office of the Election Officers (OEOs) may devise mechanisms to speed up the system of processing applications in order to minimize queuing and avoid inconvenience,” ayon pa kay Elnas.
Ang voters’ registration ay sinimulan noong Nobyembre 7, 2016 at magtatagal hanggang Abril 29, 2017, mula Lunes hanggang Sabado, kabilang ang holiday, maliban sa Disyembre 24 at 25, at Abril 13 at 14. (Mary Ann Santiago)