Pitong gymnast na inaasahang magiging kinatawan ng bansa sa susunod na 29th Southeast Asian Games ang isasabak sa dalawang magkahiwalay na kumpetisyon sa labas ng bansa bago matapos ang 2016.
Naunang umalis Biyernes ng umaga para makipagtagisan si 2015 Singapore Southeast Asian Games men’s floor exercise gold medalist Reyland Capellan sa prestihiyosong Toyota Cup International Individual Men’s and Women’s Artistic Gymnastics Championships sa Nagoya City, Aichi, Japan.
Kasama ng 33-anyos na elite gymnast sa dalawang araw na torneo sina Cristina Onofre at Katrina Evangelista.
“The tournament are part of their exposure and training in preparation for next year’s SEA Games,” pahayag ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion sa isinagawang Christmas party ng Philippine Olympic Committee (POC) sa La Fiesta.
Magtutungo naman sa Mikhail Voronin Cup sa Moscow, Russia sa Disyembre 18-22 ang destinasyon nina junior gymnasts Chloe Gatlabayan, Mariana Hermoso, Samantha Bustria at Rosanna Nolido.
Idinagdag din ni GAP secretary general Bettina Pou na parte ng training at exposure ang dalawang torneo ng kanilang mga atleta para sa 2017 SEA Games sa darating na Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia. (Angie Oredo)