Patay ang isang lalaki habang tatlo naman ang sugatan, kabilang ang isang lalaking nagdiriwang ng kanyang kaarawan, nang magkasagupa ang isang grupo ng kabataan at isang mag-ama sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Naisugod pa sa ospital si Neil Timothy Yamson, 20, ng 2648 M. Hizon Street, Sta. Cruz, Maynila ngunit nasawi rin dahil sa tama ng saksak sa dibdib habang nilalapatan naman ng lunas ang mga biktimang sina Genesis Tolentino, 20, birthday celebrator, ng 1660 Bulacan St., Sta. Cruz; at Mark Athony Paned, 21, ng 2629 Natividad St., Sta. Cruz.
Sugatan din ang suspek na si Efren Agustin, 56, ng 1618 Bulacan St., nang masaksak at mapukpok sa ulo ng mga suspek at patuloy namang tinutugis ang kanyang anak na si Jayvee “Balong” Agustin, 20.
Sa imbestigasyon ni PO2 Allan Andrew Mateo, ng Manila Police District (MPD)- Station 3 (Sta. Cruz), dakong 3:00 ng madaling araw nangyari ang pananaksak sa harap ng bahay ng mga Agustin.
Ayon kay Tolentino, nagdiriwang siya ng kanyang kaarawan at bisita niya sina Yamson at Paned nang maubusan sila ng yelo kaya naisipan nilang bumili sa isang malapit na tindahan.
Gayunman, pagsapit umano nila sa harapan ng bahay ng mga Agustin ay bigla na lang silang inatake at pinagsasaksak ng mag-ama sa ‘di batid na dahilan.
Samantala, ayon naman kay Efren, natutulog na sila ng kanyang anak nang sugurin ng limang suspek na pawang lasing at armado ng bato at pilit na pinalalabas ang kanyang anak na si Jayvee.
“Kinakalabog nila iyong gate namin, tulog na ‘yung anak ko kaya ako na lang ang lumabas at pinauwi sila, umalis naman pero muling bumalik lima na sila at niyugyog na naman yung gate namin, kaya lumabas ulit at pinauuwi ko na sila pero may biglang pumalo sa ulo ko ng bato at sumuntok sa akin, nahilo ako, naalala ko na may dala nga pala akong maliit na balisong, hindi ko na alam ang nangyayari basta nanghahalihaw ako, baka matakot sila at magsialisan maya pa ay may naramdaman ako sumaksak sa likuran ko,” kuwento pa ni Efren.
Kasalukuyang nakakulong si Efren sa detention cell ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS).
(Mary Ann Santiago)