PINANGUNAHAN ni Pangulong Duterte ang pagsisindi ng ilaw ng Christmas Tree sa Malacañang nitong nakaraang Lunes.
Tatlong linggo pa bago sumapit ang Araw ng Pasko pero ang mga sinabi niya nang gabing iyon ay tila siya nang buod ng kanyang mensaheng para sa bansa ngayong Pasko.
“I plead for the unity of the country, that we shall be freed of communal wars,” sabi niya, na ang tinutukoy ay ang nagpapatuloy na labanan sa Mindanao. Pinuri niya ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na, aniya, “has shown its sincerity to talk to us about peace.” Si Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF) “has also said he will work with us in government to find peace.”
“So maligaya ako, except for the extremists,” sabi niya, na ang tinutukoy ay ang Maute, pero gayunpaman, aniya, hindi siya makikipagdigmaan sa kanila “since they are also Filipinos.” Nilalayon ng pamahalaan na mawakasan na ang mga sigalot, sabi niya. “Sana lang naman, makinig sila…. Naghahanap kami ng paraan para ma-accommodate kayo…. We are looking below and above for a compromise.”
Hinggil naman sa matagal nang communist insurgency, ipinahayag ng Presidente ang mabuting ibubunga ng isinasagawang usapang pangkapayapaan. Pero, tiniyak niya ang bansa na, “the negotiators will not abandon the things that we crave for our country” – na ang tinutukoy ay ang ilang kahilingan na hindi alinsunod sa demokratikong tradisyon ng bansa.
Tinalakay din ng Presidente ang iba pang mga pinagkakaabalahan ng kanyang administrasyon. “I ask everybody in government that together we stop corruption,” aniya. Sinabi niya na hindi siya titigil hangga’t hindi niya nawawakasan ang problema sa ipinagbabawal na gamot.
At idineklara ng Pangulo na, “I plead for peace, so that our citizens can move around any time of day or night.” Ang kapayapaan ay matatamo kung maitataguyod ang pagkakaisa sa magugulong bahagi ng Mindanao, pero ang kapayapaan ay nararapat ding makamtan maging sa iba’t iba pang bahagi ng bansa. Kapayapaan at pagkakaisa – ito ang buod ng mensahe ng Presidente sa kanyang pangunguna sa Christmas Tree lighting ceremony sa Malacañang grounds.
Ngayon ang ikatlo sa apat na Linggo ng Adbiyento bago sumapit ang Pasko. Ang mga kandila ng pag-asa, pag-ibig, kaligayahan, at kapayapaan ay sinindihan sa apat na Linggo tungo sa pagsisindi ng kandila para kay Kristo Jesus sa Pasko na ngayong taon ay tatapat sa araw ng Linggo.
Ang pananawagan ni Presidente Duterte ng kapayapaan at pagkakaisa nitong nakaraang Lunes, tulad ng mga mensahe ng Adbiyento, ang tunay na diwa ng Pasko na tradisyong lubha nating iginagalang at ipinagdiriwang bilang bansa. Umaasa tayo na pakikinggan ang panawagang ito ng mga mamamayan, lalo na ng ating mga kababayan na nakatira sa mga lugar sa Mindanao na mayroong paglalaban.