INAKALA naming nagbibiro lang si Richard Yap nang sabihing nawala ang love scene nila ni Jean Garcia sa Mano Po 7: Chinoy dahil panay ang biruan at tawanan nila ng aktres.
“Sobrang haba na kasi ng movie kaya hindi na naisama ang love scene, actually, hindi naman sobrang love scene, intimate scene bilang mag-asawa,” pahayag ni Richard nang makausap namin pagkatapos ng screening ng Mano Po 7 noong Biyernes sa SM Megamall.
Hindi namin nakikitang jolly sa mga nakaraang presscon si Richard, masyado siyang stiff sumagot, pero sa events ng Mano Po 7 ay ibang Papa Chen o Ser Chief ang nakausap namin. Tumango lang siya nang batiin namin ng, ‘Mas okay po kayo ngayon, nag-loosen up na kayo, hindi na kayo supladong tingnan’.
“Nahawa na kasi sa amin nina Enchong (Dee),” kuwento ng katabi niyang si Jean. “Wala kasi kaming ginawa kundi maglokohan sa set, walang seryoso sa aming lahat sa set, puro kami tawanan, biruan at panay ang kain namin. Pero ‘pag take na, seryoso na kaming lahat, after the take, balik na naman sa tawanan. Kaya wala siyang choice.”
Hmmm, si Jean Garcia lang pala bubura sa ‘suplado’ image ni Richard. Dahil kaya special ang aktres, kasi nga ‘long time crush’ niya noon pa?
Agad klinaro ni Jean na magkaibigan sila ng asawa ni Richard na si Ms. Melody at napakabait ng mag-asawa kaya madaling nakapalagayan ng loob.
Kaya pala kampante lang sina Jean at Richard sa ikinikilos nila kahit maraming tao. Nariyang nagpunasan sila ng pawis dahil init sa gitna ng napakaraming tao na gustong saksihan ang pagdating nila bukod pa sa Dragon dance na naging trademark ng Mano Po series ng Regal Entertainment.
Ano ang reaksiyon ni Jean nang sabihin nang personal ni Richard na crush siya nito noong binata’t dalaga pa sila?
“Nagulat nga ako nu’ng sinabi niya, sabi ko, ‘ha?’ Hindi naman ako nailang kasi mabait ‘to,” sabay tapik kay Richard. “Kasi nag-enjoy nga kaming lahat, alam mo, isa ito sa mga pelikulang nagawa ko na sobrang nag-enjoy ako.
“Kasi nagpunta kaming Taiwan, ‘tapos ang tatakaw namin. Ang saya talaga. Hanggang ngayon mayroon kaming What’s Up group. Kasama si Melody sa Taiwan,” masayang kuwento ng aktres.
Type ni Jean na gumawa ulit ng pelikula with Richard.
“Sabi nga namin, hindi natin nagawa dito (ang love scene), so gawa tayo ng iba. Gawa tayo ulit ng movie. Mabenta ang rom-com at drama. Magaling naman siya sa drama, di ba?”
Panay ang hiyawan ng mga tao kina Richard at Jean na itinuturing nang bagong love team, may pangalan na nang Rich-Jean na marami nang fans.
“Natutuwa kami,” sabi ni Richard, “sayang nga, tulad ng sinabi ko, nawala ‘yung intimate scene, mas maganda sana. Hindi natuloy, eh. Sayang nga, kulang, maraming na-edit out kasi sobrang haba na ng movie.”
Nanghinayang ba siya na hindi natuloy ang intimate scene nila?
“Ah, medyo, parang mas gusto ni Jean do’n kay (Jake),” pabirong sabi ni Richard na hinampas ng aktres sa balikat.
“Ipinagpalit ako kay Jake sa eksena nila.”
Si Jake Cuenca kasi ang third wheel sa pagsasama nina Richard at Jean at may kissing scene sila.
Pabor din si Richard na gumawa ulit sila ni Jean ng pelikula.
Malaki ang improvement ng pagganap ni Richard sa Mano Po 7 dahil siguro nakaka-relate siya sa karakter niya bilang Chinoy at hindi siya nahirapan lalo na sa pag-deliver niya ng dialogues.
Pero hindi pa rin nawala ang pagiging seryoso’t suplado niya sa pelikula dahil ito mismo ang karakter niya.
“Kasi may pinagdadaanan ako sa movie, ‘yung kinalakihan kong family, hindi maayos, lagi akong pinapalo nu’ng bata, so dala-dala ko ‘yun. ‘Tapos hindi ako showy sa emotions ko sa asawa ko at sa mga anak ko, but deep inside, I really love them.
“Saka pinag-usapan namin talaga ni Direk na natural lang ‘yung acting ko kasi depende rin sa experience namin as Chinese. Si Direk Ian (Lorenos) kasi Chinese rin, so madali para sa amin itong movie,” kuwento ng aktor.
Mapapanood na ang Mano Po 7: Chinoy sa December 14. Kasama rin nina Richard, Enchong, Jake at Jean sina Janella Salvador, Jana Agoncillo, Kean Cipriano, Jessy Mendiola at Erik Quizon. (REGGEE BONOAN)