Pag-iinitin ng Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) at katapat nitong Russia Canoe-Kayak and Dragonboat ang hidwaan sa ninanais na isagawa na Philippines-Russia Friendly Games na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang parte sa pagkakaisa ng dalawang bansa para sa pagpapalakas ng programa sa sports.
Inihayag mismo ni PCKDF Jonne Go at national head coach Lenlen Escollante ang plano para sa paghaharap ng mga Pilipinong paddlers at ang nakatapat nitong pambansang koponan ng Ruso na tinalo nito sa nakalipas na paglahok sa ginanap na World Dragonboat Championships sa Moscow, Russia.
“Gusto lang nilang makaresbak sa atin kasi tinalo natin sila sa sarili nilang homecourt,” pagbibiro ni Go, na siya din auditor ng Philippine Olympic Committee (POC)
Isa lamang naman sa hinahangad na maisagawang aktibidad na magpapalawig sa pinakaunang pagkakataon para sa pagpapalitan at pakikipagtulungan para mapalakas ang sports sa pagitan ng Russia at Pilipinas na itinutulak mismo ng PSC.
Una nang inihayag ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez ang posibleng paghaharap ni Asia’s first Grandmaster Eugene Torre at dating World champion Anatoly Karpov na isa na ngayon Senador sa Russia. Posible din na makalaro ni Karpov ang kapwa Senador na si Manny Pacquiao at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
Huling nakipagkita at nakipagpulong si Ramirezkay Russian Ambassador Igor Anatolyevich Khovaev upang mapinalisa ang pagnanais na maisagawa ng dalawang bansa ang aktibidad sa iba’t-ibang sports.
Pinagpipilian pa kung saan isasagawa ang mga aktibidad na unang itinakda sa malamig na lugar ng Baguio o sa dinarayong isla ng Boracay sa Kalibo, Aklan.