Propesyonal at mas disiplinadong mga traffic enforcer na ang magmamando ng trapiko sa Maynila, simula sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, wala nang makikitang mga “buwayang traffic enforcer” dahil pinagsisibak na niya ang mga ito sa puwesto.

“Sinisiguro ko, mga bagong MTPB traffic enforcer na ang itatalaga natin sa kalsada- mas disiplinado, may kakayahan, at higit sa lahat, incorruptible,” pahayag ni Estrada matapos sibakin ang 690 traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) noong Nobyembre 28.

“I have ordered a thorough and extensive screening and retraining of recruits. We will select only the best and we’re assuring everyone that we will go harder on those who will be committing illegal activities,” dagdag pa niya.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nabatid na mismong si Estrada ang nakatutok sa isinasagawang re-training sa unang batch ng 92 trainee na bubuo sa MTPB.

Ayon kay Police Supt. Lucile Faycho, hepe ng Manila Police District (MPD)-Traffic Enforcement Unit (TEU), pinangungunahan ng MPD ang nasabing pagsasanay na nagsimula nitong Lunes at matatapos sa Disyembre 23.

Upang hindi na sila mangotong, tinaasan ni Estrada ang kanilang suweldo mula P6,000 hanggang P10,000 kada buwan.

(Mary Ann Santiago)