Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) ang iniulat ng Sabah authorities na nagkaroon ng bakbakan sa pagitan ng Sabah security forces at mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Lahad Datu nitong Huwebes.
Sinabi ni Army Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng WestMinCom, na napatay sa sagupaan si Abraham Hamid, ang leader ng bandidong grupo na nanguna sa pagdukot sa Samal Island noong nakaraang taon. Patay din ang dalawang tauhan ni Hamid.
Ayon kay Tan, dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf ang nadakip at nakilalang sina Samsung Aljan at Awal Hajal, habang dalawa pa ang nawawala.
Si Hamid, spotter ng Abu Sayyaf, ang nanguna sa pagdukot kina Robert Hall, John Ridsdel, Kjartan Sekkingstad at Marites Flor sa Ocean View Resort sa Camudmud, Samal City, Davao del Sur noong Setyembre 21 2015.
Sangkot din siya sa pagdukot sa apat na tripulanteng Indonesian mula sa Tugboat Henry.
Napaulat na napigilan ng Sabah authorities ang mga bandido sa pagsasagawa ng pagdukot sa isla at nauwi sa engkuwentro ang insidente.
Sinabi pa ni Tan na pinalubog din ng mga awtoridad ang speed boat na ginamit ng mga Abu Sayyaf.
(Francis T. Wakefield)