DAIG pa raw ng drug war ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang martial law kung ang sukatan ay ang bilang ng nangapatay na tao noon at ngayon. Sa pahayag ni Chito Gaston, chairman ng Commission on Human Rights (CHR), hindi raw umabot sa 5,000 ang namatay (hindi nasawi) sa loob ng maraming taon ng martial law na ipinairal ni ex-Pres. Ferdinand Marcos. Ngayon daw, limang buwan palang sa puwesto si Mano Digong, umabot na sa limang libong tao, karamihan ay drug suspect, ang naitumba ng mga pulis sa katwirang nanlaban gamit ang .36 cal. revolver.

Kahit papaano, sinasabi ng mga netizen at taumbayan na nababawasan ang bilang ng populasyon ng Pilipinas bunsod ng giyera sa illegal drugs ni Du30 at ng trusted man niya, si Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police. Kung noong panahon ng diktador na si Marcos, ang pinagkakatiwalaan niya ay si ex-AFP chief of staff Gen. Fabian Ver, ngayon naman ay si Gen. Bato ang pinagkakatiwalaan ni Pres. Rody sa paglipol sa mga drug pusher, user at drug lord (ilan na kaya ang naitumbang drug lords?).

Batay sa mga report, partikular ng Reuters, lumilitaw na 97 porsiyento ang drug kill ratio sa mga pagsalakay ng mga pulis laban sa drug suspects sa iba’t ibang lugar sa bansa. Lumalabas na ang PNP kill ratio ay higit na mataas kumpara sa ibang mga bansa na may problema rin sa ilegal na droga.

Binabanggit din na sa drug war ng administrasyon ni Mano Digong, kapag sumalakay at namaril ang PNP raiding teams sa drug den, bahay o lugar na kinaroroonan ng mga tulak at adik, tiyak na patay ang mga suspected drug dahil nanlaban daw. Halos walang pulis na nasasampahan ng kaso o naiimbestigahan kaugnay ng buy-bust operations o raids sapagkat walang nagsasampa ng kaso dahil wala naman daw mangyayari dahil parang nakasandal sa pader ang mga pulis matapos ihayag ni RRD na siya ang bahala sa kanila kapag kinasuhan. Dahil dito, lubhang matapang ang mga pulis at maging ang riding-in-tandem (na mga pulis din daw) sa pamamaril sa drug suspects na parang bumabaril lang ng mga manok sa lansangan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sabi nga ng isang CHR investigator: “The police report says there is a gun battle or a firefight... In our investigations, there is no such thing. Instead of drug bust operations, they are conducting extrajudicial killings.”

Marami na raw bata, babae, menor-de-edad ang nadadamay sa buy-bust operations ng mga pulis, riding-in-tandem, vigilantes dahil lubhang matatapang at mababagsik sa pagpatay ang mga pulis. Hindi na raw hinuhuli o binibigyan ng pagkakataon na sumurender ang mga suspect. Sa halip binabaril na lang sila sa katwirang nanlaban, at utos ng pangulo na barilin sila kapag nanlaban!

Kabilang marahil sa maituturing na extrajudicial killing ang kaso ni Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa, ama ng drug lord na si Kerwin Espinosa, na binaril at napatay ng mga tauhan ng PNP Region 8 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa loob mismo ng selda nito. Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), walang engkuwentro sa pagitan nina Espinosa at ng raiding team. Ito ay isang rubout.

Pilit na iniipit si Sen. Leila de Lima para isangkot sa illegal drugs. Siya ang itinuturo ng mga convicted felon at drug lord-prisoner na iniharap noon ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre sa House committee on justice. Siya rin ang itinuturo nina Kerwin Espinosa at Ronnie Dayan na tumanggap ng P8 milyon para sa kanyang kampanya. Itinanggi ito ni De5 at sinabing wala siyang kinalaman sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.

Ang kamalasan ni De Lima ay nang magtungo siya sa Davao City noong siya pa ang chairperson ng CHR upang imbestigahan si ex-Mayor Rodrigo Duterte tungkol sa mga pagpatay umano ng Davao Death Squad. Hindi na ito nakalimutan ng dating alkalde kaya ngayong siya na ang pangulo, ayaw niyang tantanan si De Lima. Magdasal ka na lang Senadora sapagkat maging sina US Pres. Obama, UN Sec. General Ban Ki-moon, European Union, ay hindi nakaligtas sa “bagsik” ni Mano Digong. (Bert de Guzman)