KAPANALIG, tayo ay mapalad. Bahagi tayo ng isang dakilang tradisyon: ang Kristiyanismo. Sa darating na 2021, ating gugunitain ang ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa.
Sa gitna ng lahat ng pagbabago sa ating mundo, sa loob ng ilang daang taon, ang Kristiyanismo ay namayagpag at umiral nang lubusan sa ating bansa. Maraming konsepto at kulto at paniniwala ang lumitaw sa ating lipunan, ngunit hindi natinag ang Kristiyanismo. Nagliwanag ito sa ating bayan at nanatiling gabay.
Ang kasiglahan ng Kristiyanismo sa bansa ay hindi lisensiya upang tayo ay maging kumpiyansa o magsawalang-bahala.
Habang tumatakbo ang panahon, mas tumitindi rin ang mga hamon sa ating pananalig. Ang culture of death ay nagpupumilit bigyan ng karimlan ang liwanag ng kultura ng buhay na dala ng Kristiyanismo.
Ngayon, nakikita natin ang paglaganap ng pagyurak sa dangal ng tao, gaya ng extrajudicial killings, ang planong ibalik ang death penalty at ang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility (MACR). Makikita rin ito sa paglaganap ng hatred o pagkamuhi sa social media, ang patuloy na pagtapak sa karapatan ng mga biktima ng martial law, ang pagpapatuloy ng child labor at human trafficking, at iba pang krimen na nagbibigay pasakit sa maraming tao. Ang mga ito ay nagtatangkang patayin ang liwanag ng Kristiyanismo.
Kaya, kailangan nating gisingin at pagliyabin ang ating pananalig. Kailangan natin itong gawing masiglang inspirasyon ng ating pagkilos sa mundo. Puno ang ating mga simbahan tuwing Linggo, ngunit bakit lumalakas ang kultura ng kamatayan sa ating lipunan ngayon? Mahigit 80 porsiyento ng ating populasyon ay Katoliko, ngunit bakit tila, kayhina ng ating pagkilos sa lipunan ngayon?
Dalhin natin sa ating mga tahanan ang magandang balita. Dalhin natin si Kristo sa ating mga tahanan. Hindi nararapat na ang ating pananalig ay manatiling mga sambit at hinaing na ating ibinubulong sa mga haligi ng simbahan. Kailangan ito ay maging buhay at aktibong pananalig kahit saan tayo mapadpad. Ayon nga sa CBCP Pastoral Letter on the Era of New Evangelization: Live Christ, Share Christ.
Ang Kristiyanismo ay hindi lamang dogma o konsepto na ating binabalik-balikan tuwing linggo. Ito ay ating pamilya.
Ang ating pagsimba ay hindi lamang obligasyon, ito ay isang tuwirang paanyaya: Halika, manumbalik ka sa iyong tahanan, “Come Home.”
At sa ating tahanan, walang puwang ang pagkamuhi. May pagkakaiba, oo, pero mas malakas ang pag-ibig. At ang pag-ibig na ito ay ang dapat mamayani, lalo na’t ikalimang sentenaryo na ng ating pananalig. Pakatandaan, ang Kristiyanismo ay bunga ng pagmamahal: isang luntiang pagmamahal na handang magbuwis buhay para tayo ay maisalba. Ang pagmamahal na ito ang ating identity, ang ating pagkakakilanlan.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)