Utah Jazz center Rudy Gobert (27) and Golden State Warriors forward Draymond Green (23) battle for a rebound in the second half during an NBA basketball game Thursday, Dec. 8, 2016, in Salt Lake City. The Warriors won 106-99. (AP Photo/Rick Bowmer)

UTAH (AP) – Maagang nanalasa ang Golden State Warriors at nagpakatatag sa krusyal na sandali para maisalba ang matikas na ratsada ng Utah Jazz tungo sa 106-99 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Vivint Smart Home Arena.

Umarya ang Warriors sa 29-5 bentahe, tampok ang 14 puntos ni Steph Curry sa first quarter. Ngunit, nakabangon ang Jazz sa third period para maidikit ang iskor sa 73-64 may 4:43 sa naturang period.

Umarya ang Jazz sa 9-2 run sa pagsisimula ng fourth period para maibaba ng husto ang bentahe sa 84-79.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa pagkakataong ito, pumutok ang outside shooting ni Kevin Durant sa naiskor na walong sunod na puntos para sa 92-80 bentahe may 5:01 sa laro.

May pagkakataon na muling humahataw ang Jazz, ngunit nagawang makasagot ng Warriors para sa ikaapat na sunod na panalo at maging unang koponan ngayong season na nakapagtala ng 20 panalo.

Nanguna si Curry sa Warriors sa naiskor na 26 puntos, habang kumubra si Durant ng 21 puntos, tampok ang 11 sa final period. Nag-ambag si Draymond Green sa 13 puntos at 10 rebound at kumubra si Klay Thompson ng 10 puntos.

Bumida sa Jazz si Joe Ingles na may 21 puntos.

TORONTO 124, WOLVES 110

Sa Air Canada Center, pinutol ng Toronto Raptors ang pangil ng Minnesotta Wolves.

Nagsalansan ng pinagsamang 72 puntos sina Demar DeRozan, Kyle Lowry at Jonas Valanciunas para sa 15-7 karta sa Eastern Conference.

Umiskor si DeRozan ng 27 puntos, tumipa si Lowry ng 25 at kumana si Valanciunas ng 20 puntos at 10 rebound.

Nanguna si Zach LaVine sa Wolves sa naiskor na 29 puntos at anim na assist, habang humataw si Andrew Wiggins ng 25 puntos at anim na rebound para sa Minnesota na nagtamo ng 16 kabiguan sa 22 laro.

WIZARDS 92, NUGGETS 85

Sa Verizon Center, malamya ang simula ni John Wall, ngunit rumatsada sa final period para sandigan ang panalo ng Washington Wizards kontra Denver Nuggets.

Tumipa si Wall ng siyam sa kabuuang 15 puntos sa fourth quarter para maibangon ang Wizards mula sa kabiguan sa Brooklyn Nets kung saan tumipa siya ng career-high 52 puntos.

BULLS 95, SPURS 91

Sa United Center, pinutol ng Chicago Bulls, sa pangunguna ni Dwyane Wade na umiskor ng 20 puntos, ang matikas na road game ng San Antonio Spurs.

Balanse ang naging atake ng Bulls para tuldukan ang three-game losing skid.

Hataw si Rajon Rondo sa naiskor na 12 puntos, 10 rebound at siyam na assist. Nalimitahan si Jimmy Butler sa 13 puntos mula sa malamyang (4-14 field goals).

Hataw si Kawhi Leonard sa naharbat na 24 puntos, walong rebound at limang assist, habang umiskor si Paddy Mills ng 16 mula sa bench.

Kumana sina Pau Gasol at LaMarcus Aldridge ng tig-10 puntos para maputol ang four-game winning streak gayundin ang 13-0 karta sa road game.