MAYROON tayong dalawang bersiyon sa pagkakabaril at pagkamatay ni Mayor Rolando Espinosa Sr. ng Albuera, Leyte, sa sub-provincial jail ng Leyte sa Baybay City noong Nobyembre 5.
May naganap na shootout nang isilbi ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang search warrant sa kanya, ayon sa Eastern Visayas regional director ng PNP kinaumagahan pagkatapos ng insidente.
Rubout ang naganap, sabi naman ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong nakaraang Martes, pagkaraan ng mahigit isang buwan simula nang maganap ang insidente, batay sa ebidensiya at mga resulta ng forensic examinations.
Ang nangyari sa kulungan sa Leyte ay isang bahagi ng malaking larawan sa kampanya ng pamahalaan laban sa ipagbabawal na gamot. Ang Senado at ang Kongreso ay nagsasagawa ng mga pagdinig hinggil sa iba’t ibang aspeto ng kampanya, na nakatuon sa alegasyong sangkot ang matataas na opisyal, kabilang ang isang senador na, ayon sa akusasyon, ay tumanggap ng salapi mula sa drug lords.
Ang kampanya ay umaalingawngaw sa buong mundo, na humantong na sa pakikipagsagutan ni Presidente Duterte kina United States President Barack Obama at United Nations Secretary General Ban Ki-moon, pero pinapalakpakan naman ni US President-elect Donald Trump.
Dahil sa kampanya ay naibilad sa madla ang napakalaking suliranin sa droga at sumuko na ang libu-libong drug addict, at nagtatayo ng drug treatment and rehabilitation centers, kabilang ang mega center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija na maaaring magkasya ang 10,000 pasyente, na ipinagkaloob ng isang negosyanteng Tsino. Sa lalong madaling panahon, ibabaling na ng bagong administrasyon ang pansin sa iba pang malalaking problema, kabilang na ang korupsiyon.
Bagamat ang naganap sa kulungan sa Leyte ay isa lamang sa maraming kaso na may kinalaman sa anti-drug campaign, namumukod tangi ito sa mga isyung may kinalaman sa pagpapatupad ng batas na magdudulot ng malubhang kahirapan sa gobyerno. Dahil may dalawa tayong pangunahing law-enforcement agency sa ilalim ng Executive Department na nagbigay ng dalawang lubhang magkaibang kongklusyon. Ang Hukuman ay kinakailangan nang makisangkot sa mga nagaganap, upang ang Legislative Department na nagsasagawa ng imbestigasyon ay makapagbalangkas ng mga bagong batas.
Si Presidente Duterte mismo ay nagwika na: Let the NBI file charges. Naniniwala pa rin siya, sabi niya, sa sinasabi ng mga pulis na namatay si Espinosa sa shootout.
Kinakailangan pa nating hintayin ang karagdagang imbestigasyon na lulutas sa dalawang magkaibang kongklusyon. Umaasa tayo na hindi masyadong magiging mahaba ang ating paghihintay.