IPINAHAYAG ng Department of Health (DoH) na simula sa susunod na taon ay balak ng kagawaran na mamahagi ng mga condom sa mga paaralan. Layunin nito na maiwasan ang pagkalat ng human immunodeficiency virus/acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS) sa bansa. Hinimok din ng DoH ang mga magulang na turuan ng safe sex ang kanilang mga anak bilang isa sa mga paraan upang mapigilan ang nasabing karamdaman.

Ayon kay DoH Secretary Paulyn Ubial, kapag naipaliwanag na sa Department of Education (DepEd), maipamamahagi na nila ang mga condom. Ang plano sa pamamahagi ng condom, ayon pa kay Secretary Ubial, ay bahagi ng “business unusual strategy” na mabuo ng DoH ang pagsisikap na labanan ang HIV/AIDS.

Batay sa datos na binanggit ng DoH, mula 1984 hanggang Oktubre 2016, umabot na sa 38,114 ang naitalang kaso ng HIV.

Umabot naman sa 13,099 ang naitala mula 2011 hanggang 2016. Sa nasabing bilang, 10,279 ang may HIV na ang mga biktima ay nasa edad 15 hanggang 24.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil sa nakakaalarmang bilang ng kaso ng HIV/AIDS, nanawagan at hinimok ng pinuno ng Episcopal Commission ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga kabataan na tumulong sa pagbibigay ng kaalaman sa publiko tungkol sa HIV/AIDS. Ang panawagan ay pinangunahan ni Father Dan Cancino sa pagdiriwang ng National Catholics AIDS Sunday nitong unang Linggo ng Disyembre.

Nang marinig sa radyo at mapanood sa telebisyon ang balak ng DoH, halos nagkakaisa ng reaksiyon ng ating mga kababayan; isang ideya ng kaungasan ang plano ng DoH.

Malaking kakitiran din ng isip at kagaguhan ng mga kapural ang gagawing pamimigay ng libreng condom sa mga estudyante. Mapupusok ang mga kabataan at baka araw-arawin ang pagtatalik. Para na silang mga kuneho. Magiging maaga ang panahon ng kanilang taglibog. Lalong madaragdagan ang bilang ng teen-age pregnancy. Kapag lumobo o pumintog na ang tiyan at kita ang pag-usli ng pusod ng mga nabuntis, tiyak, mahihinto na sa kanilang pag-aaral. Mababansot na ang kanilang kinabukasan.

Bukod sa mga nabanggit, kaugnay sa plano ng DoH, mariin din itong tinutulan ng Simbahang Katoliko. Ang pagbibigay ng libreng condom sa mga estudynte ay maaari lamang mauwi sa maagang pakikipagtalik. Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Public Affairs Committee, “Ditributing condoms will condone sexual activity among students,”

Mag-aaksaya lamang ng pera ang gobyerno sa pagbili ng mga condom. Kung hindi naman makikipag-sex ang mga estudyante, ano pa ang layunin ng condom?

Sa pananaw naman ni Aiza Seguerra, ng National Youth Commission, hindi dapat iwan ng magulang ang pag-uusap tungkol sa sex. Dapat umanong bigyan ng tamang impormasyon ang kanilang mga anak. Dahil sa ating kultura, nahihiya tayo kapag sex at ang HIV/AIDS na ang pinag-uusapan. Naniniwala siya na ang mga tamang impormasyon ay nagsisimula sa tahanan.

(Clemen Bautista)