Nina ROMMEL TABBAD, JUN RAMIREZ at BETH CAMIA

Nagsampa ng reklamo kahapon sa Office of the Ombudsman ang nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa 27 iba pa kaugnay ng pagkakasangkot umano sa pagpatay ng grupo sa nasa mahigit 1,000 katao.

Sa kanyang sinumpaang salaysay na inihain ng abogado niyang si Atty. Jude Sabio sa anti-graft agency, inakusahan ni Matobato si Duterte na nasa likod ng serye ng pagpatay sa Davao City noong ang huli pa ang alkalde ng lungsod.

Kabilang sa mga kasong inihain ni Matobato ang murder, torture, kidnapping at crimes against humanity.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ni Sabio na hindi lumantad si Matobato—na nasa kustodiya ni Senator Antonio Trillanes IV—dahil sa pangamba sa seguridad nito.

Bukod kay Pangulong Duterte, kasama rin sa inireklamo ni Matobato si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang anak ng Presidente na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, gayundin ang mga dati at kasalukuyang operatiba ng Davao City Police, kabilang sina SPO3 Arthur Lascanas at SPO4 Bienvenido Laud.

IMMUNITY

Ayon kay Sabio, alam niyang may immunity sa kaso ang Pangulo ngunit umaasa si Matobato na “justice be given to the victims of the death squad”, idinagdag na ang “spate of killings continues”.

Alinsunod sa batas, maaaring imbestigahan ng Ombudsman ang isang sitting-Presidente at ubrang kasuhan ito matapos bumaba sa puwesto, dahil awtomatikong wala na itong immunity.

Sa kanyang affidavit, binigyang-diin ni Matobato ang testimonya niya sa Senado laban kay Pangulong Duterte, na itinuturo niyang nag-utos ng maraming pagpatay ng DDS sa Davao City.

HARASSMENT

Tinawag naman ng Malacañang na “nothing but harassment” ang reklamong inihain sa Ombudsman laban kay Duterte.

“The complaint is nothing but harassment aimed at distracting the Chief Executive from performing his duty. The Ombudsman already terminated an earlier investigation on the Davao Death Squad case which linked then Davao City Mayor Duterte,” sabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Marie Banaag, idinagdag na may immunity ang Pangulo at walang kakayahan ang Ombudsman upang alisin sa puwesto ang isang Punong Ehekutibo.

Naniniwala naman si Senator Richard Gordon na may kinalaman sina Trillanes at Sen. Leila de Lima sa reklamo ni Matobato laban sa Pangulo.

Si De Lima ang chairman ng komite sa Senado nang iprisinta si Matobato bilang testigo, habang si Trillanes naman ang kumukupkop ngayon kay Matobato.

May ulat ni Hannah L. Torregoza