Nakatakdang bumisita si Pangulong Duterte sa Cambodia at Singapore sa susunod na linggo para palakasin ang bilateral at economic relations at itaguyod ang proteksiyon ng mga migranteng manggagawang Pinoy.

Unang bibisitahin ng Pangulo ang Cambodia sa Disyembre 13 at 14, at tutuloy sa Singapore sa Disyembre 15 at 16 bilang bahagi ng kanyang introductory tour sa mga katabing bansa sa Asia, ayon kay Department of Foreign Affairs spokesman Charles Jose.

Sa Cambodia, magkakaroon ng royal audience ang Pangulo kay King Norodom Sihamoni sa Royal Palace na susundan ng state banquet. Ang state visit ni Duterte ay tugon sa imbitasyon ng Hari ng Cambodia, ayon kay Jose.

Plantsado na rin ang bilateral meeting ng Pangulo at ni Cambodian Prime Minister Hun Sen.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Makikipagpulong din ang Pangulo sa mahigit 5,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia bago lumipad patungong Singapore.

Sinabi ni Jose na makikipagpulong ang Pangulo kay Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong upang talakayin ang pagpapalawak sa bilateral trade at investments, gayundin ang pagpapalakas sa defense at security cooperation, kabilang na ang counter-terrorism at war on drugs.

Makakasalo naman ng Pangulo sa state banquet si Singapore President Tony Tan Keng Yam. Makikipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa city-state. Tinatayang 180,000 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Singapore. - Genalyn D. Kabiling