Ni REGGEE BONOAN
NAKAPALITAN namin ng mensahe si Bb. Joyce Bernal kamakailan nang batiin namin siya sa napakalaking kinikita ng The Super Parental Guardians nina Vice Ganda at Coco Martin kasama sina Awra, Pepe Herrera at Onyok handog ng Star Cinema.
Sabi namin kay Direk Joyce, wala na siguro ang agam-agam niya dahil gumawa siya ng record sa Philippine movie industry na kumita ng P75M sa unang araw ng pagpapalabas.
Bagamat nagpasalamat sa pagbati, mas ibinigay niya ang credit kina Vice at Coco.
“I give credit to Vice for this movie, umasa kasi ako sa humor niya, inaayos ko ‘yung kuwento pero kay Vice talaga ako nagpatulong sa brand of comedy niya. Ang humor ko kasi panlalaki, tulad ng Mr. Suave at D’ Anothers.
“Si Vice kasi dahil may daily show siya, nakakapag-isip siya do’n na mismo sa set, kaya binabago namin ang eksena as we shoot. Ganu’n naman ang comedy very spontaneous.
“Ako talaga ang nag-adjust at decided na it’s his comedy. Pero may favorite akong scene, ‘yung hinila ‘yung noodles sa ilong niya,” kuwento ni Direk Joyce.
Binanggit namin na medyo babad ang eksenang mamatay na si Matet de Leon na may saksak pang kutsilyo sa likod.
“’Yung Matet scene, nasa script ‘yun,” paliwanag ng lady director. “Kung may time pa ako i-edit, na-trim ko pa buong movie, ‘kaso October 30 ang last day ko ng submission, e, November 2 na. Kaya sana mas maganda pa ang pacing ng buong movie kung na-edit ko pa.”
Pinuri namin ang action scene na naging forte na talaga niya bukod sa romantic comedy at inalam kung tumulong si Coco sa pagdidirek.
“Hindi nakialam si Coco sa action, okay si Coco, may mga binanggit siya before the shoot at okay sa kanya lahat,” sabi ng direktora.
So, may aabangan ulit sa 2017 na pelikulang pagsasamahang nila nina Vice at Coco?
“Okay ako to work with them ulit,” sabi ng monster hit director ng taon.