Inoobserbahan ngayon ang 15 katao na nakagat ng isang asong ulol na pumasok sa dalawang paaralan sa Isabela City, Basilan, iniulat kahapon.
Sinasabing karamihan sa mga nakagat ay mga estudyante, kasama ang ilang guro, bukod pa ang dalawang bata.
Ayon sa report ng Isabela City Police Office, unang nakapasok ang asong ulol sa Basilan National High School (BNHS) at kinagat ang ilang estudyante at guro roon.
Nagtatakbong palabas ang aso at pumasok sa Claret College of Isabela (CCI), at muling nangagat doon ng ilang estudyante at guro.
Kaagad namang rumesponde ang medical team ng Isabela City para madala sa pagamutan ang mga nakagat ng aso at kaagad na tinurukan ng anti-rabies ang mga ito.
Pawang sa paa nakagat ang mga biktima.
Hindi pa matukoy kung napatay o nahuli ang nasabing ulol na aso, dahil masyado umano itong agresibo at huling nakitang nagtatatakbo palayo. (FER TABOY)