SA kabila ng magkakasalungat na argumento sa muling pagpapatupad ng death penalty, hindi nagbabago ang aking paninindigan na ang naturang parusa ay hadlang sa karumal-dumal na mga krimen; lalo na ngayong napagkasunduan na kamakalawa ng House committee on justice ang pagbuhay sa naturang capital penalty. Bagama’t ito ay tatalakayin pa ng mga Kongresista, naniniwala ako na ang naturang panukala ay uusad na rin sa Senado; at ito ay muling maipatutupad matapos na ito ay mapawalang-bisa noong 2006.
Tulad ng laging inaasahan, ang mga pagtatangka na maibalik ang death penalty ay inaalmahan ng mga pro-life, lalo na ng mga Obispo at iba pang alagad ng Simbahan. Kailanman ay hindi sila naniniwala na ito ang epektibong hadlang sa krimen; at hindi dapat gawaran ng kamatayan ang mga kriminal.
Ang kanilang paninindigan ay laging nakaangkla sa kawikaan na mahigpit na ipinagbabawal ng Panginoon ang pagpatay.
Siya lamang ang may karapatang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha.
Sa naturang argumento ng mga Obispo, tila pabiro namang naging reaksiyon ni Speaker Pantaleon Alvarez: Humanap sila ng ibang relihiyon. May dagli namang pahiwatig ang nasabing mga alagad ng Simbahan: Ang pagbabago ng relihiyon ay hindi tulad ng pagpapalit ng damit o bihisan; nangangailangan ito ng taimtim na pagmumuni-muni. Maliwanag na ang naturang mga argumento ay nakalundo sa simulaing paghihiwalay ng Estado at Simbahan o separation of Church and State.
Ang aking pagkatig sa death penalty ay nakasalig sa mga personal na obserbasyon. Bagama’t noong dekada’ 70 pa naganap, hindi ko malilimutan ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad kay Lim Seng, ang Chinese drug lord. Mula noon, wala akong natatandaang gumitaw na mga utak ng bawal na droga.
Hindi ko rin malilimutan ang pagbitay, sa pamamagitan naman ng silya elektrika, sa mga death convict na gumahasa sa isang sikat na artista noon ding dekada ‘70. Bilang isa sa mga kagawad ng media na pinahintulutang sumaksi sa pagbitay na isinagawa sa loob ng death chamber ng New Bilibid Prison... (NBP), naniwala ako na death penalty nga ang hadlang sa karumal-dumal na krimen. Ganito rin ang pananaw ng iba pang nasa death chamber na kinabibilangan ng, bukod sa mediamen, mga nurse, doktor at NBP official.
Ang kailangan lamang ay hindi paudlot-udlot na pagpapatupad ng death penalty, tulad noong nakalipas na mga administrasyon. Dapat tularan ang ibang bansa na tuluy-tuloy na nagpapairal ng parusang kamatayan – maging ito ay pagbigti o firing squad. (Celo Lagmay)