Hindi natin gaanong ikinababahala ang pagbagsak ng halaga ng piso sa palitan ng dolyar. May nagmamatwid pa nga na nangangahulugan ito ng mas maraming perang napapasakamay ng mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na ngayon ay naipapalit sa mas malaking halaga ang dolyares na kanilang natatanggap.
Pero ang pagbagsak ng halaga ng piso ay nangangahulugan din ng pagtaas ng presyo ng lahat na mga produktong inaangkat natin mula sa ibang bansa – pagkain, alak, mga damit, appliances, atbp. Hindi iniisip ng karamihan sa mga Pilipino ang tungkol sa imported goods na ito, hangga’t hindi natin natatanto na mayroon tayong produktong inaangkat na labis na nakaaapekto sa ating pamumuhay, kabilang na ang pinakamahihirap. Ito ay ang krudo at ang iba pang mga produktong nanggagaling dito – gasolina, diesel, gaas, liquid petroleum gas (LPG), atbp.
Kailangan ang diesel at gasolina upang mapatakbo ang cargo trucks na naghahakot ng mga pagkain mula sa mga kanayunan patungo sa mga siyudad tulad ng Metro Manila. Kailangan ang mga ito para umandar ang power generators na lumilikha na ating kuryente. Kailangan ang mga ito para tumakbo ang mga bus at mga jeepney na sinasakyan ng mga mamamayan patungo sa trabaho at sa eskuwelahan. Kaya tuwing tumataas ang presyo sa fuel stations, may mga panawagan na kailangang itaas ang pamasahe.
Ang suliranin sa presyo ng langis ay lalo pang lumubha sa desisyon kamakailan ng oil-producing countries na miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) tulad ng Saudi Arabia na bawasan ang kanilang produksiyon araw-araw, upang mapaakyat ang pandaigdigang presyo, na wasto lamang naman ayon sa law of supply and demand.
Ang desisyon ng OPEC na nasundan ng pagbagsak ng halaga ng ating piso ay nagbunsod ng pataas ng presyo ng mga bilihin. Nasa kalagitnaan din tayo ng Kapaskuhan na ang mga tao ay namimili ng mas marami ang binibiling pagkain, mga kasuotan, mga regalo, at pangdekorasyon sa bahay.
Nakalulungkot na sinagap natin ang sabay-sabay na mga pangyayaring ito sa loob at labas ng ating bansa na nagbubunsod ng pagtaas ng mga presyo bagamat ang ating mga mamamayan ay matagal nang nasanay sa mahihirap na kalagayan. Umasa na lamang tayo na ang mga kinauukulan ay masusing nagsasagawa ng mahahalagang hakbang upang mabawasan ang masamang epekto ng mga pangyayaring ito at nakahanda upang pigilan ang mga walang prinsipyong sektor na maaaring magsamantala sa sitwasyon. Kinakailangang bantayang mabuti ng Department of Trade and Industry ang pananatili ng mga presyo sa mga pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at agarang kumilos kapag may lumalabag sa iniaatas na wastong presyo.