Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia Pacific na may pinakamabilis na paglago sa epidemya ng HIV at maaaring lumala pa kapag hindi binago ng gobyerno ang paraan nito at inalis ang mga balakid sa paggamit ng condom ng mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Ito ang nakasaad sa ulat ng Human Rights Watch (HRW) na inilabas nitong Huwebes. Tumaas ng sampung beses ang kaso ng HIV sa kalalakihan na nakikipagtalik sa kapwa lalaki sa nakalipas na limang taon, ngunit nabigo ang gobyerno na targetin ang populasyong ito sa prevention measures.

Ayon sa HRW, hindi sapat ang HIV prevention education sa mga paaralan sa Pilipinas, walang commercial marketing ng condoms, at ang mga hadlang sa condom access at HIV testing—partikular ng mga hindi pa tumuntong sa 18 anyos na kailangan ang parental consent — ang nakadagdag sa lumalalang epidemya.

Sinabi sa ulat na ang mga problema sa mga polisiya ng lokal at pambansang pamahalaan ay pinalala pa ng pagtutol ng Simbahang Katoliko sa contraceptives.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Ayon sa Department of Health, nakapagtala sila ng 38,114 kaso ng HIV, o human immunodeficiency virus, mula Enero 1984 hanggang Oktubre 2016 — wala pang 1% ng populasyon ng mahigit 100 milyon. Ngunit nakakaalarma ang bilis ng pagtaas nito sa 32,099 na kasong naitala mula 2011 hanggang 2016, at posibleng umakyat sa 55,000 kaso sa pagtatapos ng 2016.

Sinabi ng mga opisyal ng DOH noong 2008 na mayroon lamang isang iniuulat na kaso sa bawat araw, ngunit 26 bagong infections ang ngayon ay naitatala kada araw. Nangungunang dahilan pa rin ng pagsalin ng HIV ang pakikipagtalik sa 96% -- kabilang ang 87% ng lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki. Mahigit kalahati sa mga nahawaan ay nasa 25 hanggang 34 anyos at halos 27% ay nasa edad 15 hanggang 24.

“The government had a pretty good track record of fighting HIV-AIDS, but basically they are fighting the last war,” sabi ni Phelim Kine, HRW deputy director for Asia, sa isang panayam. “They are still focusing on female sex workers and their clients when actually the epidemic has changed, but the government’s approach is not changing and it needs to or else this will really get out of control.”

Inirekomenda ng ulat ang pagbura sa legal restrictions na humaharang sa kabataan na walang pang 18 anyos na makabili ng condom o magpa-HIV tests nang walang parental consent, pagpapabuti sa sex education sa mga eskuwelahan, at pagpataw ng parusa sa mga munisipalidad na tumangging sumunod sa mga batas na naggagarantiya ng public distribution ng contraceptives, kabilang na ang condom. (AP)