NAGING sentro ng usapan ang federalismo sa pagdiriwang ng 21st National Press Congress of the Publishers Association of the Philippines, Inc. sa Development Academy of the Philippines sa Tagaytay City. Ito ay may temang nakatuon sa nasabing paksa.
Siguradong malapit na at hindi magtatagal ay papalitan na ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan at gagawing federalismo. Sa kabila nito, gayunman, karamihan sa mga Pilipino ay nananatiling walang ideya tungkol sa federalismo.
Ang federalismo ay isang sistema ng pamamahala kung saan ang bawat estado (state) ay may sariling pamahalaan na may kalayaan mula sa central o yung federal na pamahalaan. Bawat estado ay may kakayanang gumawa ng batas na papairalin sa kanilang mga nasasakupan. Ang mga bansang may federal government system ay ang United States, Canada, Australia, France, Switzerland, Germany, Mexico, Brazil at Malaysia.
Sa ilalim ng nasabing sistema, may isang pinaghalong government system na binubuo ng pinagsamang central o ‘federal’ government na may regional o state governments sa isang political system.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, mayroon tayong iisang pamahalaan kung saan ang kapangyarihan at mga pinagkukunan ay nasa national government.
Sa kasalukuyan, Malacañang ang nagdidesisyon kung magkano ang ibibigay sa mga local government unit (LGU), isang sistema na masasabing talamak sa pang-aabuso.
Ang pagbabago ng sistema ay kalakip ng pagbuwag sa ating unitary government system, muling pagsisimula sa mga natitirang rehiyon at probinsiya at iba pang LGU. Mananatili ang central government ngunit labis na hihina ang kanyang “imperial powers.” Ang pagtutuunan na lamang nito ay ang mga alalahanin sa national dimension gaya ng defense, foreign policy and relations, atbp.
Ang mga autonomous region o estado at kanilang mga LGU—probinsiya, lungsod, munisipalidad at mga barangay—ay magkakaroon ng pangunahing responsibilidad kaugnay sa pagpapaunlad ng kanilang industriya, kaligtasan, edukasyon, kalusugan, transportasyon at iba pang alalahanin.
Ang estado ay may kapangyarihan... pagdating sa usaping pinansiyal, development planning, at batas na eksklusibo sa kanilang hurisdiksiyon. Pagdating sa bagong Federal Constitution, maaaring magsanay ang central government at estado sa power sharing.
Ang mga tagataguyod ng parehong sistema ay naglalayon ng positibong resulta. Kailangan nating matutunan ang tungkol sa comparative merits, ang kalakasan at kahinaan ng dalawang sistema at tumulong sa pagbuo ng Filipino hybrid model na magiging epektibo sa pagtugon sa ating pangangailangan. (Johnny Dayang)