direk-jun-lana-copy-copy

IKINATUWA ni Direk Jun Robles Lana ang pagkakapili ng kanyang pelikulang Die Beautiful bilang isa sa Magic 8 ng 42nd Metro Manila Film Festival. Nagbunyi rin maging ang staff ng IdeaFirst Company at Octobertrain Films, headed by Direk Perci Intalan.

“Sobra kaming nai-excite,” sabi ni Direk Jun nang makausap namin sa Countdown to MMFF 2016 sa Skydome ng SM North.

“’Tapos ganu’n pala ito kasaya. Kasi ‘yung ibang festival na nakasama ako sa Metro Manila Film Festival, hindi naman talaga ako masyadong involved. Hindi ako pumupunta sa parada pero dahil producer din ako ngayon, sinisigurado naming andito ‘yung mga artista. Masaya pala. Dapat noon ko pa ginawa ‘to.”

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ngayong nagkaroon ng mga pagbabago sa MMFF rules, ano ang ini-expect niya sa magiging takbo ng festival?

“I welcome the change na ‘yung Metro Manila Film Fest committee mismo ang nag-decide na ang magiging pamantayan ngayon ay ‘yung galing, ganda ng mga pelikula, I’m all for that,” saad ng Palanca award-winning director.

“Siyempre, kinakabahan lang ang lahat kung papasukin ng mga manonood ‘yung mga ganitong klase ng pelikulang ipalalabas sa Metro Manila Film Festival kasi nasanay nga, di ba? Na ‘yung mas commercial, ‘yung mga pambata, pero naniniwala naman ako na may audience ang ganitong mga pelikula na nakita na naman natin sa ibang mga festivals from Cinemalaya to Cinema One.

“I think nabuo na natin yung audience for this kind of films and these films are still entertaining kaya walang rason para hindi ito pasukin,” paniniguro niya.

Halos lahat ng walong pelikulang pumasok ay indie o independently produced films na tila minamaliit ng iba.

“Siguro hindi naman sa minamaliit. I understand where some of our producers are coming from. Kinasanayan natin kasi ‘yung Metro Manila filmfest na may mga pambatang pelikula, karamihan mga studio release, so I understand where they’re coming from.

“May mga nasaktan, hindi naintindihan kung bakit may ganitong klaseng pagbabagong nangyari. Pero pakiramdam ko rin doon din naman mas mag-i-improve, mas lalago ang industriya natin. We welcome all types of cinema. Isinasabay din natin yung mga manonood natin na lumago rin ‘yung pagkilala,” paliwanag ni Direk Jun.

Masasabi rin bang ini-educate ang viewers natin ngayon tungkol sa independent films?

“Ayoko kasing sabihing ini-educate kasi parang ang sinasabi ko niyan, minamaliit ko ang mga manonood. Naniniwala rin ako sa sinabi ni Bossing (Vic Sotto) na may taste na dapat respetuhin. Even the taste of masa, hindi ibig sabihin na dahil ito ang gusto nila, mas matalino tayo dahil ibang klaseng pelikula ang gusto nating panoorin.

“Ako sinusunod ko lang kung ano ‘yung gusto ngayon ng Metro Manila Film Festival. Oo, ito ‘yung gusto nila,

nagkataong may pelikula kami na puwedeng isali, isinali namin at tuwang-tuwa kami na napili. Pero kunyari ang Metro Manila Film Festival ang gusto nila ‘yung mas mainstream, rerespetuhin ko pa rin ‘yun.

“Sa totoo lang, hindi ako sigurado kung makapapasok kami, hindi ko alam, eh, hindi kami umasa talaga na mapipili kami,” sabi pa ni Direk Jun, at idinagdag na: “Sa rami ng film festival na nasalihan ko dito sa atin at sa ibang bansa, alam ko na nagbabago lagi ang pamantayan ng isang industriya o ng isang festival depende sa nakaupong jury.

“Kahit sa Palanca, nakailang beses na akong sumali, nanalo pero mas maraming beses akong natalo. May mga entry akong isinali this year, mananalo ng next year nung sinali ko uli dahil nagbago yung jury, so hindi mo masabi.

“There are no guarantees, eh, hindi ka puwedeng maging kampante. Kani-kanyang taste at ‘yun lang ang nirerespeto ko kung ano ‘yung napagkasunduan at ano ‘yung gustong gawin ng Metro Manila Film Festival.”

Ang Die Beautiful ay ginawaran ng Audience Choice award sa 29th Tokyo International Film Festival at nagluklok kay Paolo Ballesteros as the first Pinoy actor na nanalo ng Best Actor sa isa sa itinuturing na A-List festivals sa buong mundo.