Sinabi ni Senate President Pro Tempore Franklin Drilon na nagkasundo ang mga mambabatas, constitutional experts at stakeholders na kailangang masusing suriin ang 1987 Constitution.
Hinarap ang media pagkatapos ng pagdinig kahapon ng Senate Constitutional Amendments and Revision of Codes Committee, sinabi ni Drilon na halos lahat ng resource person na inimbitahan sa paunang hearing tungkol sa mga panukala sa Charter change (Cha-cha) ay sumasang-ayon na kailangang suriin ang mga umiiral na batas para maamyendahan ito.
Pinangunahan ni Drilon ang unang joint hearing sa panukala at tinalakay ang apat na resolusyon sa pananawagan para sa constitutional convention (Con-con); pagsasama ng Kongreso bilang constituent assembly para maamyendahan ang ilang economic provisions ng batas; panukalang amyendahan ang mga probisyong nagpapataw ng limitasyong pang-ekonomiya; at ang apela ng Senate Bill No. 128 para sa Con-con. (Hannah L. Torregoza)