Arestado ang isang babae makaraang ireklamo ng pandurukot ng isang accountant sa mismong istasyon ng Light Rail Transit-1 (LRT-1) sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong theft ang suspek na si Mary Jane Magallanes, 25, ng 7949 San Sebastian Street, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, matapos inguso ng complainant na si K-Anne Josef, ng Bgy. Niugan, Malabon City sa pagtangay sa kanyang iPhone 6S Plus na nagkakahalaga ng P49,500.
Ayon kay SPO4 Noel Villamor, ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 8:30 ng gabi nangyari ang insidente sa Carriedo Station ng LRT-1, Rizal Avenue, Quiapo, Maynila.
Nasa naturang istasyon ng tren ang biktima nang tangayin ng suspek ang kanyang cell phone.
Kaagad namang nagsumbong sa mga awtoridad ang biktima na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (Mary Ann Santiago)