SAMARINDA, East Kalimantan, Indonesia – Matikas na sinimulan ng Team Philippines ang kampanya sa napagwagihang bronze medal ng Davao City thrower sa pagsisimula ng aksiyon sa 9th BIMP-EAGA (Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines-East Asian Growth Area) Friendship Games nitong Huwebes dito.
Naibato ng 20-anyos na si Irish Marquez ang javelin sa layong 34.44 metro, sapat para sa pangatlong puwesto sa event na ginanap sa Stadion Madya Sempaja sa lalawigan ng East Kalimantan.
“This was my first time to compete in an international event. With more proper training and equipment, I believe I can do better next time,” pahayag ni Marquez.
Ang tagumpay ni Marquez, third year criminology student sa Holy Cross of Davao College, ay inaasahang magsisilbing inspirasyon sa atletang Pinoy na kabilang sa 110-man delegation, sa pangunguna ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner at delegation head Charles Maxey.
Pagal ang katawan ng mga atleta sa haba ng biyahe dulot ng iskedyul sa pagalis ng eroplano mula sa Maynila patungong Jakarta at tatlong oras na biyahe sa sasakayan patungong Samarinda.
Magkasunod na dumating ang mga atleta at opisyal mula sa dalawang focus area na Davao City at Puerto Princesa, Palawan nitong Miyerkules sa Samarinda na matatagpuan sa kahabaan ng Mahakam River.
Kaagad na nakiisa ang delegasyon sa opening ceremony sa Sempaja Convention Hall at sumabak sa laban umaga ng Huwebes.
Hindi naman napukaw ang atensiyon at determinasyon ng atletang Pinoy na nagresulta sa bronze medal ni Marquez.
Sasabak ang Pinoy sa event na athletics, archery, lawn tennis, table tennis, sepak takraw, badminton basketball, beach volleyball at karate-do.