PAPASUKIN na ng ABS-CBN ang pagpapatakbo ng mga sinehan sa iba’t ibang branches ng CityMall sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pumirma ng kasunduan ang mga pamunuan ng ABS-CBN Corporation at ng CityMall Commerical Centers Inc. (CMCCI) sa pangunguna nina ABS-CBN Chairman si Eugenio “Gabby” Lopez III, President/CEO Carlo Katigbak, group chief financial officer na si Rolando Valdueza, Star Creatives COO Malou Santos, CMCCI Chairman Edgar Sia II at ang president nito na si Ferdinand Sia.
Ayon sa kasunduan, ang ABS-CBN na ang magiging tagapamahala sa mga sinehang ipapatayo ng CityMall, kasama na rito ang pagpapalabas ng mga pelikula at ang pagpapatakbo sa food and beverage stores nito.
Itatayo ng CityMall, na pagmamayari rin ng DoubleDragon Properties Corp., ang mga sinehan sa Tagum, Davao, Victorias, Negros Occidentla, Anabu, Imus, Cotabato City, Bulua, Cagayan de Oro, Koronadal City, Consolacion, Cebu, Mandalagan, Bacolod City, Sta. Rosa, Nueva Ecija at Dumaguete, Negros Oriental.
Bilang nangungunang media company sa bansa, ang ABS-CBN ay tahanan ng mga nangungunang palabas sa telebisyon, mga pelikulang patok sa takilya, mga best-selling na libro, at mga sikat na artista. Nangunguna rin ang ABS-CBN sa paglipat sa digital media at patuloy itong nagbabago para sabayan ang lumalawak na teknolohiya gaya ng digital television.