Ipinag-utos kahapon ni Police Sr. Supt. Johnson Almazan, hepe ng Caloocan Police, na alamin ang pagkakakilanlan ng mga pulis na sangkot sa pagnanakaw sa lungsod na ito, upang masibak sa puwesto.
Dahil sa sobrang galit, napasuntok sa kanyang lamesa si Col. Almazan matapos mapanood sa closed-circuit television (CCTV) camera ang sapilitang pagpasok ng mga pulis sa ilang bahay sa Barangay 187, North Caloocan City, dakong 2:00 ng hapon.
Nakasuot pa umano ang isa sa mga pulis ng bullet proof at may hawak-hawak na baril.
Ayon kay Emilia Calanday, isa sa mga may-ari ng bahay na pinasok ng mga pulis, isang nagngangalang “Lando” ang target ng mga pulis at nang hindi nila ito mahagilap, tinangay na ng mga pulis ang relo, kuwintas, dish washing, at sapatos.
Kitang-kita rin sa CCTV na isinakay sa tricycle ang isang video karera machine habang ang iba pa nilang ninakaw ay isinakay sa puting van.
Ayon kay Almazan, didisarmahan niya ang mga pulis sa oras na malaman ang kanilang mga pangalan at ilalagay sa admin holding area hanggang sa tuluyang masibak sa puwesto.
Hinimok din ni Almazan ang mga naging biktima ng mga pulis na magreklamo. (ORLY L. BARCALA at ED MAHILUM)