Lumala pa ang pagsisikip ng trapiko sa EDSA ngayong taon kumpara noong 2015 dahil sa hindi maiiwasang pagdami ng sasakyang dumaraan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, lalo na ngayong Christmas season.
Batay ito sa survey na isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Nobyembre 9, na nagsabing nasa 166,357 sasakyan ang dumaan sa EDSA, karamihan ay mga pribadong sasakyan na naitala sa 132,667.
Sa taya ng MMDA noong Disyembre 21, 2015 para sa huling bahagi ng nasabing taon, umabot sa 161,248 ang kabuuan ng mga sasakyang bumiyahe sa EDSA, na karamihan ay kotse.
Batay pa sa survey, tumaas ng 3.17% ang kabuuang volume ng sasakyan sa dalawang period na ginawa sa 14-hour count, hindi pa kasama rito ang mga patungo o galing sa EDSA.
“This only means that as early as a month before Christmas, the volume of vehicles plying EDSA had already reached the level of last year’s number of vehicles,” sabi ni MMDA General Manager Tim Orbos.
Asahan pang madaragdagan ang sasakyan sa 23-kilometrong EDSA ngayong Christmas rush.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Orbos na sa pamamagitan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), na miyembro ang MMDA, ay patuloy na ipatutupad ang stakeholder-specific schemes at measures upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila.
Sa survey ng MMDA na inilabas kamakailan, natukoy na nabawasan ng pitong minuto ang average travel time sa EDSA bago pa man ipatupad ang “No Window Hours” policy nitong Oktubre 17. (Bella Gamotea)