Nanawagan ng sama–samang pagdarasal at pagkakaisa si Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) President Socrates Villegas upang ipakita ang pagkontra sa planong ibalik ang parusang bitay.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop, matatawag na trahedya ngayong Pasko ang balak na pag-apruba ng Kongreso sa panukalang batas para ibalik ang death penalty.

“I am calling on the God loving people of the Archdiocese of Lingayen Dagupan to come together in prayer to resist the threat of the death penalty in our country,” aniya sa circular letter.

Hinikayat niya ang mga Katoliko na dumalo sa prayer rally sa Disyembre 12 at depensahan ang buhay.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Hiniling din ng Obispo na dasalin ang Prayer Against the Death Penalty sa halip na Prayers of the Faithful sa lahat ng anticipated Mass sa Disyembre 10 at 11.

Ipinag-utos din ni Villegas na kalembangin ang kampana sa lahat ng parokya ng 15 minuto tuwing 6:00 ng gabi simula Disyembre 10 hanggang 12, bilang “conscience call” upang manindigan para sa buhay.

Gaganapin ang “Prayer Rally for Life” sa Parish of Saint Dominic sa San Carlos City, Pangasinan.

Magkakaroon ng Misa dakong 3:00 ng hapon sa parokya na susundan ng March Against the Death Penalty sa paligid ng city plaza para sa candle lighting memorial prayer sa lahat ng mga biktima ng karahasan.

(Jun Fabon at Leslie Ann G. Aquino)