AN’YARE at hindi na naman maipinta ang mukha mo ngayong umaga?

Nagngingitngit ka na naman sa galit dahil sa tindi ng traffic. Kahit saan mo isaksak ang iyong sasakyan, tiyak na traffic din ang madaraanan.

Bakit ka pa nagagalit, alam mo naman na wala kang magagawa sa problema sa trapiko? And’yan na ‘yan, kaya huminahon ka na lang.

Pasko naman, amigo, kaya pasensiya at pag-unawa ang ating pairalin sa mga panahong ‘to.

2 driver ng Solid North, positibo sa drug test; posibleng mawalan ng lisensya?

Kung umiinit ang ulo dahil sa traffic, pagdaupin ang mga kamay, pumikit, yumuko at manalangin sa Diyos na nawa’y makarating ka nang ligtas sa iyong patutunguhan.

Kung kaya pa sa dasal, humiling ka na rin ng himala upang makarating ka sa oras sa iyong destinasyon.

At habang hindi pa nagkakatotoo ang himalang hinihiling mo, kumanta muna tayo.

Oo nga, hindi ako nagbibiro! Walang bola ‘to!

Sa halip na naghihimutok tayo sa galit sa pagka-inutil ng gobyernong ito na posible pang matuloy sa atake sa puso, idaan na lang natin sa pag-awit ang traffic.

One, two, three…ready sing!

Magda-drive ako habambuhay… Magda-drive ako hanggang buwan. Please, please lang turuan n’yo akong mag-drive. Gusto kong matutong mag-drive!

Hindi ba naangkop ang lyrics na ‘yan sa kantang ‘Overdrive’ ng tanyag na Pinoy rock band na Eraserheads?

Kung nagtataka kayo bakit ito ang napili ko, idinadaan ko lang sa “psy war” ang problema sa trapiko upang hindi tayo tuluyang mabaliw.

Tulad din ito sa sitwasyon na nakararanas tayo ng matinding gutom. Sa halip na isipin mong nagugutom ka kaya lalong sumasakit ang tiyan mo at nagdidilim ang paningin mo, ibaling mo na lang ang iyong atensiyon sa mga nakaaaliw na bagay sa iyong kapaligiran, upang makalimutan mo na nagra-riot na ang sikmura mo.

Hindi ba’t nakakainggit ang mga motoristang nasisilayan mo habang kumakanta sa gitna ng trapiko.

Papikit-pikit pa at bumabaling pakaliwa’t kanan sabay pitik ng mga daliri habang kumakanta sa harap ng manibela.

Kaya tuloy ang pagkanta:

Magdadala ako ng pagkain

Burger, fries, tapsilog at siopao

Magda-drive ako hanggang Visayas

Magda-drive ako hanggang sa Mindanao

Ang sarap, ‘di ba?

Bukod sa pagganda ng inyong boses dahil sa tuluy-tuloy na pagpa-practice sa loob ng sasakyan, bumababa pa ang inyong blood pressure, dahil mas kalmado na kayo.

Hayaan n’yo na kung akalain ng ibang motorista na nababaliw na kayo, dahil malamang sa hindi, sila ang mas unang bibigay.

Gusto kong matutong mag-drive (kahit na wala akong kotse)

Gusto kong matutong mag-drive (kahit na walang lisensiya)

Mag-drive, drive, drive! (ARIS R. ILAGAN)