Ginulantang ng Lyceum of the Philippines ang defending women's champion College of St.Benilde, 25-22, 24-26. 25-18, 21-25, 15-10, nitong Martes sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Kumubra ang apat na Lady Pirates, sa pamumuno nina Cherillyn Sindayen at La Rainne Fabay sa naiskor na double digit upang pangunahan ang pahirapang panalo ng Lady Pirates.

Nagtala si Sindayen ng 16 puntos, habang may 14 puntos si Fabay. Nagambag sina Czarina Orros at Christine Miralles ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Bunsod ng panalo, umusad ang Lyceum sa ikatlong puwesto taglay ang 3-1 karta.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Nanguna sa Lady Blazers, nakatikim ng unang kabiguan sa limang laro, si Jeanette Panaga na may 18 puntos.

Bunga ng naturang upset, ang San Sebastian College (4-0) na lamang ang nalalabing koponan na may malinis na karta sa women's division.

Nauna rito, tumabla ang College of St.Benilde sa ikalawang posisyon sa standing ng men's division nang talunin nila ang Lyceum, 26-28, 25-19, 25-17, 25-21.

Umiskor ang beteranong hitter at dating national team standout na si Johnvic de Guzman ng game high 26 puntos, 23 ang galing sa hit, habang nagdagdag si Jethro Orian ng 15 puntos upang pangunahan ang nasabing panalo ng Blazers, ang kanilang ika-4 sa limang laro.

Nalaglag naman ang Pirates sa ika-4 na posisyon hawak ang patas na barahang 2-2.

Sa juniors division, winalis ng Lyceum Junior Pirates ang CSB- La Salle Greenhills,25-11, 25-16, 25-8 para makatabla sa Emilio Aguinaldo College sa pangingibabaw sa malinis na barahang, 3-0.

Nanatili namang winless ang Junior Blazers pagkatapos ng tatlong laro. (Marivic Awitan)