coco-at-julia-copy

UMAASA si Coco Martin na muli silang magkasama ng dati niyang leading lady na si Julia Montes sa bagong proyekto, pelikula man ito o TV show.

Ngayong monster hit ang pelikula nina Coco at Vice Ganda na The Super Parental Guardians, may posibilidad na ang isa sa mga proyektong gagawin ni Coco sa 2017 ay ang balik-tambalan nila ni Julia.

“Sa palagay ko, eh, komportable lang naman siguro si Coco sa akin,” reaksiyon ni Julia. “Medyo marami-rami na rin kasi kaming nagawa together. May movie at serye na rin naman kaming dalawa na magkasama.”

ALAMIN: Sino si Nicholas Kaufman na tatayong lead counsel ni FPRRD sa ICC?

Bukod kay Julia, gusto ring makatrabaho ni Coco sina Liza Soberano at Angel Locsin.

Masaya si Julia sa naturang pahayag ni Coco.

“Sa totoo lang, eh, nakaka-flatter talaga. Sa akin naman, eh, gustung-gusto ko rin naman siyang makatrabraho ulit,” sey ng magaling young actress.

Hanggang ngayon ay tahimik pa rin silang dalawa sa tunay na estado ng laging usap-usapang relasyon nila. Pero sabi nga ng millennials, alam na this!

Kahit wala pang pormal na pahayag ang ABS CBN management kung pagsasamahin man silang muli ni Coco sa isang project, nakadama ng excitement si Julia sa wish ni Coco.

“Sino ba naman kasi ang hindi ma-excite, eh, Coco Martin yata ang makakasama mo, di ba? Sana lang matupad. Si Coco po kasi hands-on siya sa mga projects niya.

“Wish ko lang sana, eh, matutuloy ‘yan ASAP. Pero depende pa rin naman yan kay Coco. At sa totoo lang, eh, sobrang naaliw ako sa pelikula nilang dalawa ni Vice na The Super Parental Guidance.”

Kung may mga nagnenega man sa Vice-Coco movie, gandang-ganda naman si Julia rito.

“Sobrang nakakatawa ang movie. Magkakasama kami ng family ko na nanood ng movie. Gustung-gusto nila ang pelikula.

Tawang-tawa kaming lahat. Pero sa totoo lang naman, eh, kapag nagsama silang dalawa ni Vice, eh, talagang nakakatawa na. Happy nga po ako kasi successful ‘yung movie nila,” kuwento ng bida ng Doble Kara.

Kung si Coco ang tinataguriang Box Office King at Primetime Drama King, si Julia naman ang tinatawag na Daytime Drama Queen. Dahil ito sa consistent top-rating serye niyang Doble Kara.

“Nakakagulat po. Sa totoo lang, nu’ng trade event, eh, nagulat ako sa ipinalabas na VTR. ‘Yun kasi ang tawag nila sa akin ng mga fans at dito sa ABS, pati sa plug ‘yun ang sinasabi nila sa akin.

“Siyempre, naman nakaka-flatter talaga. Hindi ko naman inaasahang ibibigay sa akin ‘yung title na ‘yun. Sobrang nakakataba ng puso,” napangiting sabi pa ni Julia.

Mahigit isang taon nang pinapakain ng alikabok ang katapat sa time slot ng PMPC Star Awards Best Daytime Program, huh! (JIMI ESCALA)