Marami ang nagpahayag ng pagkabahala sa biglaang pagbibitiw ni Bise Presidente Leni Robredo sa gabinete ni Presidente Duterte, bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Pinadalhan siya ng mensahe sa text ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na ayaw na ng Presidente na dumalo pa siya sa Cabinet meetings simula nitong Lunes, December 5. “The reason is there are irreconcilable differences between VP Robredo and the administration,” sabi ni Evasco.
Ang desisyon niya ay tinanggap ng kanyang mga kapartido sa Liberal Party (LP). Naging kritikal si Sen. Francis Pangilinan, presidente ng LP, sa pamamaraan ng pagsasabi sa kanya na hindi na siya kailangan sa Cabinet meetings.
“She should have been treated with greater respect,” he said.
Ang pangyayari ay itinuring naman ng isa pang kapartido na si Ifugao Rep. Teddy Baguilat bilang oportunidad para sa LP “(to) close ranks and form the country’s real opposition bloc.” Ang LP, na naging majority party nitong nakaraang anim na taon, ay agarang naging maliit na bloke sa pamahalaan nang manalo si Pangulong Duterte, dahil marami sa LP ang sumali sa kanyang “super-majority” sa Mababang Kapulungan.
Nagpahayag din ng reaksiyon si Sen. Francis Escudero, na tumakbong kasama ni Sen. Grace Poe sa kanilang sariling partido nitong nakaraang eleksiyon. “I cannot help but be saddened that this early, the Duterte government will be in for a rough political time in 2017 which, in turn, will inevitably have an effect on the economy,” aniya.
Sa paningin mismo ni Vice President Robredo, ang presidential order ng pagwawaksi sa kanya sa Cabinet meetings ay bunsod ng pagsalungat niya sa ilang mga isyu tulad ng paglilibing kay dating Presidente Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sa extrajudicial killings, sa panunumbalik ng death penalty, sa pagbaba ng edad sa criminal liability, at sa sexual attacks against women.
Ang pagtutol sa extrajudicial killings ang tiyak na pinakamalaki sa “irreconcilable difference” nila ng Presidente.
Matatandaan na sa isyu ring ito nagpakawala ng maaanghang na pananalita si Presidente Duterte laban kay United States President Barack Obama at kay United Nations Secretary General Ban Ki-Moon at sa European Union.
May idudulot na tensiyon sa pulitika ang ang pagbibitiw ni Robredo, pero umaasa tayo na hindi ito magiging dahilan ng pagkakadiskaril ng mga balaking pang-ekonomiya ni Presidente Duterte para sa bansa. Maaaring ituloy ng LP ang panukala na palakasin ito bilang partido oposisyon, sa halip na maging maliit na bahagi na lamang ng administrasyon.
Pero kinakailangan nilang magtulungan sa mga pangunahing programang pang-ekonomiya na magpapabuti sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Pasisimulan na ng bagong administrasyon ang pangunahing infrastructure program na naglaan ng bilyun-bilyong piso para sa mga bagong kalsada, tulay, daungan, paliparan, at iba pa na magpapasulong sa ekonomiya. May idudulot na tensiyon sa pulitika ang pagbibitiw ni Robredo, pero umaasa tayo na hindi ito magiging balakid sa mas kinakailangang paglago ng kabuhayan at paglago sa unang taon ng bagong administrasyon.