Hinatulan ng Sandiganbayan ng 90 taong pagkakakulong ang isang dating alkalde ng Occidental Mindoro dahil sa graft, habang tig-10 taon naman ang hatol sa dalawa pang dating alkalde, ayon sa Office of the Ombudsman.

Sinabi kahapon ng Ombudsman na hinatulan si Jose Villarosa, dating mayor ng San Jose, Occidental Mindoro ng 10 taong pagkakakulong sa bawat isa sa siyam na paglabag sa anti-graft law.

Hinatulan din sa graft si Fidel Anacta, Jr., dating alkalde ng Borongan, Eastern Samar, habang si Doloreich Dumaluan, dating mayor ng Panglao, Bohol, ay napatunayang tumanggi sa paglalabas ng locational permit sa isang pribadong negosyo.

Napatunayan ng mga prosecutor ng Ombudsman na mula 2010 hanggang 2011 ay nakapagpalabas si Villarosa ng siyam na extraction permit upang mag-quarry ng buhangin sa GEM CHB Maker, kina Timoteo Aguilar, Arvi Dolojan, Andres Pablo, sa R.D. Go Concrete Products, kina Jojo Pojas, Emilia De Lara, Antonio Villaroza at sa Jessie Glass and Aluminum Enterprise na isang paglabag sa Local Government Code (LGC).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Having already been expressly notified by the proper party...that he had no right to issue the subject extraction permits, he not only stubbornly defied the same but also insistently refused to acknowledge the right of the provincial governor to issue such extraction permits that are expressly and exclusively granted to the latter by the LGC,” saad sa desisyon ng anti-graft court.

Napatunayan namang guilty sa kurapsiyon si Anacta dahil sa pagbili ng isang piraso ng lupa sa napakataas na presyo nang walang pahintulot ng municipal council.

Samantala, sinabi ng Ombudsman na napatunayan ng mga prosecutor nito na nag-apply noong Mayo 2005 ang Bohol Beach Club ng locational permit para sa expansion project nito, ngunit sa kabila ng pagtupad sa requirements ay tumanggi si Dumaluan na lumagda at magpalabas ng permit sa takdang panahon. (JUN RAMIREZ)