Mariing naninindigan sa kanyang mga pulis, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagang makulong ang mga pulis na sangkot sa sinasabing rubout na pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Sinabi ng Pangulo na maaaring magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mahigit 20 pulis na sangkot sa pagpatay sa alkalde sa loob ng piitan sa Baybay City, ngunit sinabi niyang hindi niya pababayaan ang mga ito dahil sumusunod lang naman ang mga pulis sa kanyang utos.

“I will not allow these guys to go to prison. Bahala sila, sabihin ng NBI na murder. Eh, tutal under NBI ko, under ko rin ‘yang Department of Justice,” sinabi ng Pangulo nang dumalo siya kahapon sa selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week sa Mandaluyong City.

“But to tell you, I do not interfere. May finding sila (NBI). Good. File n’yo kaso, pero ‘di ko pabayaan itong mga pulis na ito, kasi ako ang may utos,” dagdag pa ni Duterte.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sa kanyang pagdalo sa change of command ceremony sa Armed Forces of the Philippines kahapon, muling iginiit ng Pangulo na maninindigan siya para sa pulisya.

“I will defend them. As a matter of fact, I’m ready to go to jail for them. Walang problema,” ani Duterte. “I and I alone, ako ‘yan, will answer for them and if it’s in the performance of duty, that is my ultimate liability.”

Sa pagsasapubliko ng NBI nitong Martes sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng alkalde at sa bilanggong si Raul Yap, sinabi ng ahensiya na hindi shootout kundi “rubout” ang pamamaril kina Espinosa at Yap sa loob ng piitan nitong Nobyembre 5, sa pagpapatupad umano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 ng search warrant laban sa mayor.

NANINIWALANG NANLABAN

Gayunman, sinabi ni Duterte na mas pinaniniwalaan niya ang testimonya ng mga pulis kaysa mga kriminal.

“Naniwala ako sa pulis, kasi kaming mga mayor, congressman… sino bang paniwalaan nila? Ang pulis o ang kriminal, o ‘yung mga suspetsa, suspetsa na ano? Kung ano sinabi ng pulis, ‘yun ang totoo sa amin,” paliwanag ng Pangulo.

Iginiit ni Duterte na mayroon siyang standing order sa mga pulis na barilin ang mga drug suspect na nanlalaban sa pagdakip. Sa kaso ni Espinosa, naniniwala ang Presidente sa sinabi ng CIDG-8 na nanlaban ang alkalde kaya ito pinagbabaril.

PANEL OF PROSECUTORS

Kaugnay nito, bubuo ang DoJ ng panel of prosecutors na hahawak sa preliminary investigation laban sa mga pulis na inireklamo ng NBI.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, magpapalabas siya ng department order para pangalanan ang limang piskal na kasama sa panel.

Ang bubuuing panel ang tutukoy kung mayroong sapat na batayan para litisin sa korte ang mga operatiba ng CIDG-8 na nakapatay kina Espinosa at Yap.

Reklamong multiple murder, planting of evidence at perjury ang inihain ng NBI laban sa mga tauhan ng raiding team ni Supt. Marvin Marcos. (GENALYN D. KABILING at BETH CAMIA)