Para sa mga lokal at dayuhang turista, hindi lang masayang aktibidad sa ilalim ng dagat ang scuba-diving kundi isa ring paraan upang masilayan ang mga nilalang sa ilalim ng tubig.
Tila nasa ibang mundo ang German marine biologist na si Victoria Liles tuwing lumalangoy siya sa lalim na 40ft hanggang 60ft sa karagatan ng Anilao sa bayan ng Mabini sa Batangas.
“When you see fish species you’ve never seen before, I can’t exactly describe the excitement and energy that come with it. It’s a great feeling,” saad ni Victoria, ang may-ari at namamahala ng Granada Beach Resort sa Boljoon, Cebu.
Kabilang siya at kanyang asawa na si Chris ng Portland sa mga kalahok sa 4th Anilao Underwater Photography Shootout na sponsored ng Department of Tourism (DoT) noong Nobyembre 23-27.
Samantala, inilalarawan naman ni Chris ang kanyang diving experience sa Anilao bilang “surreal”, at sinabing nakapag-dive na siya ng 6,000 beses sa buong mundo pero patuloy pa rin siyang nakakadiskubre ng mga sea creature na hindi niya pa nakikita dati.
Ibinahagi rin niya ang pagiging malapit ng bayan ng Mabini sa Isla Verde Passage, kilala bilang Ground Zero para sa diversity ng mga marine subject, pati na rin ang pagkakaiba ng diving sa Anilao at Cebu.
“I was quite surprised to see the differences with Cebu, which is a very pretty island but it’s not as jungle-themed as it is out here. Though we have some great diving sites in southern Cebu, we don’t have the critters that you find in Anilao,” aniya.
Itinalaga si DoT Undersecretary for Public Affairs Kat de Castro, na isa ring certified diver, para palaganapin ang mga scuba-diving destination sa Pilipinas at itaguyod ang environmental conservation.
Inihayag ni De Castro na nakipagtunggali ang mag-asawang Liles sa 131 divers mula sa 17 bansa at mga local diver mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas sa limang araw na underwater contest.
“We want to offer our visitors a Philippine experience beyond the usual fare of sun-and-beach. There’s an entirely distinct world to be discovered in deep-sea diving, which is very enlightening and challenging,” ani de Castro.
Umabot sa 36 na entry ang nanalo ng awards sa iba’t ibang kategorya kabilang ang DoT Photographer of the Year awards para kay Yoshio Osawa (compact class) at kay Dennis Corpuz (open class) para sa kanilang originality at composition na maipakita ang buhay sa ilalim ng dagat.
Nanguna naman ang aktor na si Richard Gutierrez, na 10 taon nang nagda-dive, sa 100 nakatunggali niya sa marine behavior (open class) category at naiuwi ang ikatlong puwesto para sa fish portrait category.
Inihayag ni Gutierrez na hindi lang masayang makita ang kagandahan ng marine life sa Anilao, masaya rin siyang sa pakikisalamuha at pakikipag-usap sa mga diver mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Inilarawan namang “fulfilling” ng magazine editor ng Marine Art Center ng Tokyo, Japan na si Saori Arita ang kanyang unang diving experience sa Anilao.
Samantala, sumang-ayon ang Australian retiree na si Odd Kristensen, ang kinatawan ng Underwater Macro Photographers Group, na natatangi ang diving sites sa Anilao.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan sa paghihigpit ng alituntunin para mapangalagaan at maprotektahan ang mga underwater treasure ng bansa.
Idineklara noong 1999 ang lugar bilang marine reserve ng Philippine Tourism Authority – na ngayon ay Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Noong 2006, isang international team ng marine conservationists ang nagdeklara sa Pilipinas bilang Center of Marine Biodiversity sa buong mundo, at ang Verde Island Passage bilang Center of the Center of Marine Shorefish Biodiversity. (PNA CVL/ANP)