CEBU CITY – Isinailalim ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 7 sa masusing monitoring ang walong pampublikong high school sa Cebu City dahil sa mga ulat na may nangyayaring bentahan ng droga sa campus ng mga ito.
Sinabi ni PDEA-7 Director Yogi Ruiz na napaulat na mula sa lugar ng mahihirap ay lumipat na ang ilang nagtutulak ng droga sa mga pampublikong high school upang doon magbenta ng droga, partikular sa mga estudyante.
Dahil dito, sinabi ng Department of Education (DepEd)-Region 7 na sa susunod na taon ay magsasagawa ito ng random drug test sa mga estudyante, guro at mga empleyado ng mga pampublikong eskuwelahan na imino-monitor ng PDEA-7.
Parehong tumanggi ang PDEA-7 at DepEd-7 na tukuyin ang mga paaralang tinutugaygayan sa bentahan ng droga.
Ayon kay Ruiz, karamihan sa mga nagtutulak sa loob ng mga pampublikong paaralan ay hindi mga estudyante kundi mga out-of-school youth.
Sinabi ni Ruiz na nakaaalarma ang nasabing intelligence information dahil ang paaralan ay lugar para matuto.
Tiniyak din niyang kaagad na magkakasa ng operasyon ang PDEA kapag natukoy na ng ahensiya ang mga sangkot sa pagtutulak ng droga sa loob ng mga pampublikong paaralan. (Mars W. Mosqueda, Jr.)