Laro Ngayon
(Smart- Araneta Coliseum)
3 n.h. -- Ateneo vs La Salle
Nakaumang na ang palaso ng La Salle Green Archers para kumpletuhin ang pagsakop – sa isa pang pagkakataon – sa UAAP seniors basketball.
Target ng Archers na tuluyang mabawi ang kampeonato at tanghaling No.1 collegiate team sa bansa sa pakikipagtuos sa mahigpit na karibal na Ateneo Blue Eagles sa Game 2 ng best-of-three championship series ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Nakaungos ang La Salle matapos maitakas ang pahirapang 67-65 panalo sa Game 1 nitong Sabado.
“Gusto ko na talaga last game ko na. Ayaw ko na magkaroon ng Game 3,” pahayag ni La Salle veteran forward Jeron Teng.
Ngunit, tulad ng isang mabangis na contender, asahang hindi basta-basta isusuko ng Blue Eagles ang pedestal sa karibal.
“They’re actually beatable,” pampalakas-loob na pahayag ni Blue Eagle guard Mike Nieto.
“We were able to do it in the second round and we can do it again on Wednesday,” aniya.
Ngunit, para ito maisakatuparan, sinabi ni Ateneo coach Tab Baldwin na kailangang matutunan ng kanyang mga players ang leksiyon sa nalasap na kabiguan ng Game One.
“It’s not all about heart, they have to learn their lessons,” ani Baldwin.
Bukod dito, kailangan din nila ng magandang panimula taliwas sa nangyari noong Game One kung saan anim na puntos lamang ang kanilang naitala sa unang yugto.
“We just have to play our hearts and not let the gravity of the game intimidate us,” ayon kay Ateneo forward Thirdy Ravena.
Samantala, itinanghal na Season MVP si La Salle forward Ben Mbala.
Nakalikom ang Cameroonian slotman ng kabuuamg 92.43 statistical points (SPs) upang makamit ang nasabing karangalan.
Kasama niyang napabilang sa Mythical Team ang kakamping si Jeron Teng, na nagtala ng 57.33 SPs, Far Eastern University’ team captain Raymar Jose (53.64 SPs), University of the Philippines’ guard Paul Desiderio (55.14 SPs) at Ateneo forward Thirdy Ravena (49.14 SPs)
Nakamit naman ni Archer Aljun Melecio ang Rookie of the Year honor.
Ipagkakaloob ang parangal bago magsimula ang Game 2 ng Finals.
Nahirang namang MVP sa women division si Afril Bernardino ng National University na nakalikom ng kabuuang 91.8571 statistical point.
Kasamang niyang pararangalan sina Ateneo teammate Gemma Miranda (79.46.15) at Jack Danie Animan (72.2143), Love Sto.Domingo ng University of the East (71.3571) at Snow Peñaranda ng La Salle (58.6429). (Marivic Awitan)