NAPILI ng global technologygiant na Google ang makabagong programang pangkapaligiran ng South Cotabato at Sultan Kudarat bilang isa sa Top 9 Best Google Stories sa buong mundo ngayong taon.
Inihayag ni Louie Pacardo, project officer ng South Cotabato of the Allah Valley Landscape Development Alliance (AVLDA), noong Huwebes na napili ang inisyatibo bilang isa sa best stories for business and organizations.
Ayon sa kanya, nagpasa sila sa Google ng iba’t ibang programa na pinangasiwaan ng AVLADA at kung paano ito napabuti gamit ang teknolohiyang nadebelop at nagawa ng kumpanya.
“These programs focused on the joint interventions of the provinces in addressing the recurring flooding problems in the area,” aniya.
Aktibong miyembro si Pacardo ng Google Business Group (GBG) chapter sa General Santos City, na itinuturing bilang isa sa pinakaaktibong GBGs sa mundo.
Layunin ng Google Stories, na nasa ikalawang taon ngayon, na maidokumento ang mga istorya ng mga organisasyon sa buong mundo na nakapagbibigay ng makabuluhang kontribusyon sa mga tao, komunidad, at kapaligiran gamit ang mga programa ng Google sa kanilang proyekto.
Kasama ng AVLDA sa Top 9 Best Stories ang mga entry mula sa Mexico, Nepal, India, Malaysia, at Indonesia.
Noong huling bahagi ng Oktubre, bumisita sa South Cotabato ang isang grupo mula sa Google para sa dokumentaryo na gagawin tungkol sa AVLADA.
Ibinahagi ni Pacardo na kumuha ang Google ng production company na nakabase sa Germany at consultant na nakabase sa New York para sa proyekto.
Kabilang si South Cotabato Governor Daisy Avance-Fuentes, chair ng AVLADA, sa nakapanayam para sa dokumentaryo.
Ibinahagi ng gobernador ang kahalagahan ng AVLDA bilang alyansa ng dalawang local government unit sa pagbibigay solusyon sa mga problema sa kanilang lugar.
Ipo-post online ng Google ang mga entry at magiging bukas ito para sa online voting sa buong mundo.
Ipiprisinta ang top three entries sa isang event na gaganapin sa Mountain View, California.
Pinangangasiwaan ng AVLADA, environmental body na pinamumunuan ng lokal na pamahalan, ang pamamahala at pangangalaga ng Allah Valley landscape, partikular ang nanganganib na Allah River at mga watershed area nito.
Binubuo ang alyansa, na tumanggap ng Galing Pook Award noong 2009, ng 11 lokal na pamahalaan sa South Cotabato at Sultan Kuldarat na pinag-uugnay ng Allah River. (PNA)