Inirerespeto pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo ngunit malabo nang bigyan uli ang huli ng puwesto sa administrasyon.
Inamin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi na kumportable ang Presidente na makipagtrabaho kay Robredo dahil sa kanilang “irreconcilable differences.”
“What he did say was that he continues to maintain personal respect for Ms. Leni. However, regarding work-related programs, Ms. Leni is free to work as a—as she pursues her job and her responsibilities as a Vice President,” sagot ni Abella nang tanungin sa posibilidad na magkatrabaho pa ang dalawa.
“I think it began specifically with the fact that the President no longer felt comfortable working with the Vice President,” ani Abella. “The President, I suppose, felt uncomfortable with her engagement with certain political actions.”
Nagbitiw nitong Lunes si Robredo bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) matapos pagbawalan nang dumalo sa mga cabinet meeting.
Kasabay nito, nagbabala si Robredo sa publiko sa plano umanong agawin sa kanya ang pagka-bise presidente.
Gayunman, pumalag kahapon ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos tungkol dito, at iginiit na si Robredo ang nagnakaw ng vice presidency mula sa dating senador, na mahigpit niyang nakatunggali sa vice presidential race noong Mayo.
Mananatili naman sa mayorya ang Liberal Party (LP) sa Senado, ngunit sinabi ni Senator Bam Aquino na magkakaroon ng konsultasyon ang mga LP senator na sina Senate President Pro Tempore Franklin Drilon, LP President, Sen. Francis Pangilinan at Sen. Leila de Lima at ilalabas nila ang kanilang pormal na desisyon ngayong linggo.
(Genalyn Kabiling at Mary Ann Santiago)