kris-vice-4-copy-copy

NAGPAIMBITA ng thanksgiving dinner si Vice Ganda sa entertainment press para sa box office success ng pelikula nila ni Coco Martin na The Super Parental Guardians na idinirek ni Bb. Joyce Bernal under Star Cinema.

“Sobrang nagpapasalamat po ako sa inyong lahat dahil sa malaking success ng Super Parental Guardians dahil in five days ay naka-P250M na kami as of 12 noon kanina (Lunes).

“Tulad nga po ng sinabi ko noong presscon natin sa Resorts World, ang laki ng bagay na naitulong ninyo dahil lahat ng pelikula ko ay successful dahil ang laki ng impluwensiya ng mga isinusulat ninyo at maraming nakakabasa at naeengganyo silang manood at naengganyo silang pumunta sa mga sinehan, kaya gusto kong magpasalamat sa inyo nang personal,” bungad ni Vice.

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Magkano ang inaasahan niyang kabuuang kikitain ng SPG?

“Nu’ng unang hindi na kami nakasama sa filmfest, nang mag-usap-usap kami ng management, sabi namin, 300 to 400M (pesos) happy na kami. Eh, P250M na tayo ngayon, kaya siguradong ma-achieve na ‘yung P300M. Sana mag-P700M, di ba?

Wala namang masamang mangarap, eh, di mangarap na tayo at ipagdasal na natin at i-claim na natin na aabutin ‘yun.

Sana ibigay sa atin ng Diyos.”

May balita rin na dahil sa sobrang lakas ng The Super Parental Guardians ay plano raw ng SM Cinemas na tuluy-tuloy lang ang pagpapalabas ng pelikula nina Vice at Coco kahit magsimula na ang 2016 Metro Manila Film Festival.

Kung matutuloy ito, mababawasan ang mga sinehang paghahati-hatian ng walong pelikulang maglalaban-laban sa MMFF, dahil as of press time ay 320 cinemas na ang occupied ng SPG.

Sa box office turnout ng SPG, napatunayang mali ang mga nang-iintriga na malakas lang ang pelikula ni Viceral kapag Metro Manila Film Festival.

“Oo nga, eh... sabi nila. May mga pelikula naman akong hindi pang-MMFF, tulad ng This Guy In Love With U Mare (2012) kasama sina Toni Gonzaga at Luis Manzano) at ‘yung unang Praybeyt Benjamin (2011). Kaya ang saya ko. Mapalad ako, ang suwerte ko, kasi ‘yung suporta sa akin ng mga tao hindi nagbago at mas lumakas pa at mas malala.

“Sabi ko nga, I must have done something right para ma-deserve ko itong blessings na ito. Dahil kung hindi, eh, hindi rin naman siguro ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang mga bagay na hindi natin deserved,” paliwanag ni Vice.

At ang kanyang wish sa Magic 8 ng MMFF...

“Sana magtagumpay din sila, mas magandang lahat tayo magtagumpay, kasi ito naman ang hangad nating lahat kaya tayo nagtatrabaho. At sa laki ng tagumpay na ibinigay sa akin ng Diyos, ayoko namang ipagkait sa ibang tao ‘yun.

“Kaya nga nakaka-offend ‘yung sinasabi ng iba na basura ang pelikula kasi pinaghirapan ‘yun. Puwede namang sabihing hindi natin gusto ‘yung pelikula pero ‘yung sasabihin na basura ang isang pelikula, nakaka-offend kasi ang daming taong nagtrabaho, ang daming taong nagpuyat d’yan, ang daming taong hindi nakauwi sa pamilya para matapos ang mga pelikula na ‘yan,” pahayag ni Vice.

Ngayong successful ang unang movie project nila ni Coco with Direk Joyce, mauulit ba ito sa 2017?

“Why not? Sobrang bilib at hanga ako kay Direk Joyce, kasi nahihirapan siya sa akin, kasi wala akong preparation, kaya hindi siya makapag-prepare. Sabi niya, ‘You have to read the script.’ Kasi hindi ko nakaugaliang binabasa ang script, kasi kami ni Direk Wenn (Deramas, SLN) dati nagsusulat kami together sa set na.

“Treatment lang ang kay Direk Wenn, kahit hindi pa buo ‘yung script, sabi niya, ‘Bigyan mo ako ng treatment, kaya kong tapusin ‘yan.’ Ganu’n kami ni Direk Wenn, ‘tapos dalawa kaming nagsusulat at nagbabatuhan.

“Eh, si Direk Joyce naman, siyempre ibang tao naman siya, gusto niya buo ang script para ma-prepare niya ang gusto niyang mangyari. Ako naman, nu’ng nagso-shoot na kami, sabi niya, ‘Ang dami mong gustong mangyari, bigla-bigla, ang dami mong gustong ganap, maganda ‘yun, but you have to let me know ahead of time so I could prepare.’

“Sabi ko naman, ‘Sorry po, Direk, kasi ‘pag nagpi-prepare ako, wala akong maisip,’ naiisip ko lang right there and then spontaneous lang. Kaya ‘pag nagtanong sila kung ano’ng gusto kong gawin sa eksenang ‘yun, lagi kong sinasabi, hindi ko alam kung ano’ng gusto ko until malaman ko kung ano’ng ayaw ko.

“Nakikinig si Direk Joyce kaya sobrang malaya kami ni Coco sa mga gusto namin. Kaya ‘yung ibang eksena ang haba-haba kasi hinahayaan kami ni Direk Joyce na kanya-kanya kami (ng gagawin at sasabihin sa eksena).

“Sabi nga ni Direk Joyce, ‘Gawin n’yo ang gusto ninyong gawin, ako naman ang mag-i-edit nito, ako na lang ang pipili kung ano’ng gusto ko. Kaya nag-work kami together, hindi lang sa akin kundi pati kay Direk Joyce at kay Coco, ang laki.”

Kaya si Direk Joyce pa rin daw ang posibleng magdirek sa mga susunod na pelikula nina Vice at Coco na isasali sa MMFF.

Pangarap din ni Vice na makatrabaho si Direk Cathy Garcia-Molina, pero hindi raw uubra sa direktora ang konting panahon lang na ibibigay ng GGV host sa shooting kasi nga may Showtime pa siya.

“Gusto ni Direk Cathy mahabang oras, ‘yung maaga pa lang magsisimula na, eh, hindi naman ako puwede kasi, di ba, may Showtime ako, so after pa ako magsisimula,” paliwanag ni Vice. (Reggee Bonoan)